Koko Pimentel, sinamahan umano ang buntis na misis sa Makati Medical Center kahit positibo sa COVID-19

Koko Pimentel, sinamahan umano ang buntis na misis sa Makati Medical Center kahit positibo sa COVID-19

Nabulabog ang Makati Medical Center (MMC) matapos madiskubreng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III nang samahan niya ang kanyang buntis na misis sa ospital.

Pumasok umano sa delivery room si Pimentel noong Martes nang gabi para samahan sana ang misis niyang si Kathryna na nakaiskedyul na manganak Miyerkoles nang umaga. Isinalang umano sa non stress test ang misis nito bago sana isagawa ang cesarian delivery.

Pero ayon kay Pimentel, hindi totoong pumasok siya sa delivery room dahil noong tumawag ang taga-RITM (Research Institute for Tropical Medicine) ay doon lang niya nalaman na positibo siya sa COVID-19 kaya agad siyang lumabas ng ospital.

“She was [scheduled] to give birth this morning (Wednesday). I received the call from RITM when I was already [in the] hospital last night hence I left immediately,” saad nito.

Batay naman sa kumakalat na screenshot na ibinahagi sa social media, isang netizen ang nagkuwento sa ilang kaganapan sa MMC noong samahan ni Pimentel ang misis na manganganak.

Itinago raw ni Pimentel ang sakit at sinamahan pa ang asawa niya sa delivery room ng ospital dahil manganganak na ito. Pagkatapos ay bigla raw pinakansela ang procedure at pina-refer sa infectious doctor.

Doon lang umano umamin si Pimentel na positibo siya sa COVID-19 pero nalibot pa nito ang buong delivery area. Bunsod nito ay takot na umano ang mga doktor na magtungo sa delivery area.

“Si Koko Pimentel positive tapos nagpunta pa sa delivery room sinamahan ang wife kasi manganganak. Nagkalat pa ng virus. Nagugulo ang DR ng MMC ngayon. Takot na mga OB na magpunta. From my doctor friend from Makati Med,” ayon sa naturang netizen.

Dahil sa ginawa ng senador, naglabas ng pahayag ang management ng MMC tungkol sa nangyari.

“We denounce the irresponsible and reckless action of the senator. He added to the burden of a hospital trying to respond in its most competent and aggressive manner to cope with the daunting challenges of this COVID-19 outbreak,” sabi ni MMC Medical Director Dr. Saturnino Javier.

Nitong Miyerkoles, Marso 25 inamin ni Pimentel na positibo siya sa virus. Nasabihan umano ang senador tungkol sa resulta ng kanyang COVID-19 test noong Martes ng gabi noong kasama niya ang misis sa ospital.

Source: Abante News