Tito Sotto, naghain ng batas para bigyang otoridad ang Pangulo na akuin ang responsibilidad mula sa pagsasagawa ng COVID-19 Vaccination Program

Naghain si Senate President Vicente Sotto III ng isang panukala na naglalayong bigyang otoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na akuin ang pananagutan na maaaring mangyari mula sa pangangasiwa ng COVID-19 Vaccination Program.

Sa Senate Bill 2056, pinanukala ni Sotto na magbuo ng vaccine indemnification fund na gagamiting pambayad sa sinumang makaranas ng side effect ng COVID-19 vaccine.

Itinatakda ng panukala ang garantiya ng Pangulo na sagot ng pamahalaan ang kompensasyon kapag may nagkasakit, naospital o nasawi dahil sa bakuna.

“This bill seeks to enact in one the law the grant of authority to the President of the Philippines to assume, for and in behalf of the National Government, such liabilities which may arise from the administration of vaccine, the establishment of a vaccine indemnification fund, and the designation of the manager thereof,” sabi ni Sotto.

“Through this bill, the Executive Branch may efficiently facilitate the immunization program of the government while warranting security on the part of the Filipinos and the vaccine manufacturers a compensation mechanism who may have suffered a vaccine-related injury,” dagdag pa nito.

Ang indemnification fund ay kukunin sa kasalukuyang pondo ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHeath) habang ang Department of Finance (DOF) naman ang mamamahala sa indemnity fund.

May inilaang P500 milyon sa vaccine indemnification fund sa Senate Bill 2057 na kasalukuyang pinagdedebatehan sa Senate floor.

Target ng Pilipinas ma mabakunahan laban sa COVID-19 ang 50 hanggang 70 milyong indibiduwal sa taong ito at tinatayang 50,000 ang matuturukan ngayong Pebrero.