Leni Robredo, nakukulangan sa P1,000 ayuda ng gobyerno sa mga indibidwal na apektado ng lockdown sa NCR Plus

Pabor umano si Vice President Leni Robredo sa naging hakbang ng gobyerno na palawigin pa ng isang linggo ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR)at apat pang lalawigan.

Gayunman, hindi aniya sapat ang P1,000 ayuda na ibibigay ng gobyerno sa mga indibidwal na apektado ng extended lockdown.

Sa kanyang regular na programa na Biserbisyong Leni, sadyang napakaliit daw ng P1,000 ayuda na ibibibgay ng pamahalaan. 

“May ibibigay na ayuda pero sa tingin natin napakaliit kasi iyong ayudang ibibigay ay 1000 na in-kind. Iyong 1,000 parang equivalent siya sa ilang araw ng trabaho lang. So, ito ang problema natin sa extension ng ECQ,”  paliwanag ni Robredo.

“Kasi pwede sa iba wala naman ‘yun one week, wala naman iyong two weeks pero meron tayong mga kababayan na kung hindi magtatrabaho ng isang araw, wala ring sweldo. So, sa akin, dapat kapag everytime mag-e-ECQ tayo yun tutukan natin papaano iyong mga walang isusweldo, paano kung wala namang savings,” dagdag pa niya.

Nitong Sabado, inanunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 Response na i-extend ang ECQ hanggang Abril 11. 

Ito ay sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Naniniwala si Robredo na tama ang ginawa ng gobyerno para palawigin pa ang ECQ na siyang pipigil sa mga tao na lumabas ng kanilang bahay, na sa kinalaunan ay makakatulong para mapababa ang bilang ng mga kaso.

Pero aniya ang dapat ding tutukan ngayon ng gobyerno ay kung paano matutulungan ang mga pamilya na apektado ng lockdown dahil marami ang hindi makakapagtrabaho.