in

Mandatory ROTC para sa mga senior high school students, lusot na sa Kamara

Sa botong 167 pabor at 4 na tutol, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang buhayin ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga nasa Grades 11 at 12 (Senior High School) sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Layon ng House Bill No. 8961 na amyendahan ang Republic Act No. 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.

Sa oras na maisabatas ay mamumulat umano ang kabataan ang pagiging makabayan, pagrespeto sa karapatang pantao at pagsunod sa Konstitusyon gayundin ang pagseserbisyo publiko.

Ang pagsasailalim sa ROTC training ay pre-requisite para maka-grduate ang isang senior high school student.

Samantala, exempted sa pagsasanay sa ROTC ang mga estudyante na hindi maituturing na physically o psychologically fit; ang mga dumaan o patuloy pang sumasalang sa military training; at ang mga pinili ng eskuwelahan na magsilbing varsity player na pambato sa sports competition.

Dapat na aprubado ng Department of National Defense ang exemption at may rekomendasyon ng education institution na kinabibilangan nito.

Inatasan sa panukala ang kalihim ng Department of National Defense sa pakikipag-usap sa Department of Education at TESDA para isulong ang organization at gawin ang operational manual ng ROTC units.