fbpx
≡ Menu

Pangulong Duterte, nilagdaan ang panukalang batas na nag-aalis sa government fees sa mga first-time jobseeker

Pangulong Duterte, nilagdaan ang panukalang batas na nag-aalis sa government fees sa mga first-time jobseeker

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nag-aalis sa government fees at iba pang bayarin sa mga dokumento na kinakailangan ng mga unang beses na naghahanap ng trabaho o iyong mga bagong graduate.

Sa ilalim ng Republic Act 11261 o ang “First Time Job Seekers Assistance Act” na principal author at sponsor si Sen. Joel Villanueva, nakasaad na makakakuha na nang libre ang mga first-time jobseeker ng identification documents at clearances na iniisyu ng gobyerno.

“Sa bisa po ng First-time Jobseekers Assistance Act, mababawasan na po ang pasanin ng ating mga fresh grads sa mga bayarin na kailangan para lamang makakuha ng mga dokumento na kailangan sa kanilang job application,” saad ni Villanueva.

“Malaking tulong po ang handog nito sa pagbubukas ng panibagong yugto ng ating fresh grads mula sa kanilang matagumpay na pagtatapos sa eskwelahan patungo sa kanilang job hunting,” dagdag niya.

Kabilang dito ang police at barangay clearance, medical certificates mula sa government clinics at hospitals, NBI certificate, birth and/or marriage certificates, tax identification number (TIN), transcript of records mula sa State Universities and Colleges, Unified Multi-Purpose ID card (UMID), at iba pang documentary requirements.

Hindi lang fresh graduates ang cover nito kundi maging mga out-of-school youth.

Tanging barangay certification ang kailangang ipresenta ng first time job seekers upang makakuha ng mga naturang dokumento.