Sangley Airport, gagamitin na sa Pebrero 15; air traffic sa NAIA mababawasan na

Sangley Airport, gagamitin na sa Pebrero 15; air traffic sa NAIA mababawasan na

Gagamitin na ng dalawang aviation company ang Sangley Airport matapos itong opisyal na mainagurahan sa Pebrero 15, ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Transportation (DOTr) noong Pebrero 13.

Sinabi ni DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na plano ng Alphaland Aviation na ilipat ang Manila-Balesin flights sa Sangley, na ang unang biyahe ay ginawa noong Pebrero 14.

Ayon kay Libiran, “Alphaland will have its first flight tomorrow (Friday) morning. Alphaland operates Balesin routes. Immediately after, they will transfer their operations from Manila and Clark to Sangley.”

Ang Balesin ay isang pribadong isla na bakasyunan na nasa eastern coast ng Luzon, 60 nautical miles east ng Maynila, na may sariling airport, puting buhangin sa dalampasigan at eksklusibo lang sa mga miyembro nito batay sa website ng Alphaland.

Sinabi ni Libiran na ang Cebgo, ang pinakamura ang tiket na eroplano ng Cebu Pacific, ay ililipat na rin ang cargo operations nito sa Sangley Airport.

Noong Pebrero 13, bumisita ang mga opisyal ng DOTr sa pangunguna ni Secretary Arthur Tugade sa Sangley Airport para sa final ocular inspection bago ang official inauguration sa Pebrero 15.

Kasama ni Tugade sina Undersecretary for Finance Garry De Guzman, Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez, Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Jim Sydiongco, DOTr Project Manager Gil Pamatmat, Philippine Ports Authority Port Planning and Design Department Manager Reynald Parafina, at si Unimasters Conglomerate president Wilson Chan.

Ang pagbuhay sa Sangley bilang isang “general aviation and turboprop cargo operations hub” ay isiginawa batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gamitin ito para mapagaan ang air traffic sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa DOTr.

Iniutos ni Tugade ang “round-the-clock construction” ng nasabing airport na nagsimula noong Hunyo 2019 matapos iutos ni Pangulong Duterte sa DOTr na agad magsimula ng operasyon sa gitna ng mga delay at kanseladong flight noong isang taon.

Aniya, ang muling binuksan na airport ay magkakaloob ng mas maayos na air travel sa publiko at bahagi ng “basket of solutions” ng DOTr para mapaluwag ang NAIA.