DepEd, isinusulong ang online at distance learning para sa mga estudyanteng walang access sa internet

DepEd, isinusulong ang online at distance learning para sa mga estudyanteng walang access sa internet

Isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) ang online at distance learning para sa mga estudyanteng walang access sa internet.

Sa harap na rin ito ng planong pagpapatupad ng educational platforms sa pagbubukas ng klase sa Agosto dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, hindi naman ire-require ang mga mag-aaral at guro na pumunta sa eskuwelahan oras na magbukas na ang pasukan sa August 24.

Hindi naman aniya natatapos sa loob ng silid-aralan ang pagkatuto ng mga estudyante.

Sa ilalim ng online at distance learning, bibigyan ang mga estudyante ng tradisyunal na printed self-learning modules mula sa TV at radio broadcasts.

Samantala, hindi rin pipilitin ng DepEd ang mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa darating na school year kung hindi pa rin palagay ang loob ng mga ito para sa kaligtasan ng mga bata.

Pero binigyang-diin ni San Antonio na mahalagang tuluy-tuloy ang pagkatuto ng mga bata kahit may emergency.

Samantala, magsasagawa ng survey ang DepEd mula June 1 hanggang June 30 para matukoy kung gaano karaming estudyante ang magpa-participate sa online learning.

Target din ng DepEd na mailabas sa lalong madaling panahon ang binabalangkas nitong health standards para sa darating na pasukan.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan na nirerepaso na ng ahensya ang mga panuntunan na nakabatay rin sa mga kautusang inilabas ng Department of Health (DOH) at Civil Service Commission (CSC).

Magsasagawa rin aniya ang DepEd ng sarili nitong testing protocol para sa mga guro na nakatakda nilang ipresinta sa DOH.

“’Yan ay nakabatay sa dalawang mahalagang issuances. Ang isa ay by DOH, pangalawa ay itong kai-issue lamang na amended omnibus guidelines nitong mga ECQ, GCQ at modified GCQ. Meron ding na-issue ang Civil Service Commission with respect to alternative work arrangement at ‘yon ang aming tinitingnan na magiging compliance on all those issuances. Pero dahil magsisimula na ang enrollment sa June 1, kailangang mailabas na namin ‘yan. Sana mailabas namin bukas,” ani Malaluan.

Tiniyak din ni Malaluan na hindi masasakripisyo ang kalidad ng edukasyon ng mga bata sa kabila ng mga makabagong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuturo.

“Rolling implementation itong aming LCP (Learning Continuity Plan) at pinaghahandaan namin ‘yong mga ganyan pero hindi maiiwasan talaga na magkakaroon tayo ng fade off. Some will suffer in quality but there are also aspect of it na positive or net gain tayo with respect to quality itself because of the new technology for example.”

PINAPOPONDOHAN SA GOBYERNO

Hinimok ng isang samahan ng mga pribadong paaralan ang gobyerno na pondohan ang online at distance learning sa pampubliko at pampribadong mga paaralan sa posibleng pagbubukas ng klase.

Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA), isang essential activity ang edukasyon na dapat magpatuloy kayat kinakailangan nito ang suporta ng gobyerno matapos ding labis na maapektuhan ng global health crisis.

“Education is an essential activity, and a critically affected sector. It needs to continue. And it needs government support,” ayon sa grupo.

Sinabi ng COCOPEA na malaki ang matitipid ng gobyerno sa pagpo-pondo sa online at distance education ng mga estudyante kaysa pagbibigay ng cash assistance sa mga apektadong empleyado.

Umapela ang COCOPEA kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang experts na ituluy-tuloy ang pagde-develop ng modes o mga paraan para magpatuloy din ang edukasyon nang hindi bumabalik ng pisikal sa eskuwelahan ang mga estudyante sa gitna na rin nang pagtutulung-tulong ng lahat para maibalik ang tiwala sa  walang tigil na pag aaral sa gitna ng pandemic.

Makakadagdag lamang anito sa pressure sa healthcare systems sa maikling panahon ang pansamantalang suspensyon ng pagbubukas ng klase hanggat walang bakuna kontra COVID-19 tulad nang paninindigan ng Pangulong Duterte.