Libreng sakay sa MRT-3, LRT-2, PNR, handog ng administrasyong Duterte para sa mga estudyante

Libreng sakay sa MRT-3, LRT-2, PNR, handog ng administrasyong Duterte para sa mga estudyante

Bilang pagpapatuloy ng “Malasakit” initiative ng Department of Transportation (DOTr), maglulunsad ang frontline agencies sa mga sektor ng Railways, Maritime, at Aviation and Airports ng libreng sakay sa mga pangunahing tren at exemption sa terminal fees sa mga pantalan at paliparan para sa mga estudyante.

Inanunsyo ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang benepisyo para sa mga estudyante sa isinagawang Transport Talks press briefing ngayong araw, ika-27 ng Hunyo 2019.

Ayon sa Kalihim, layunin ng inisyatibong mabigyan ng kaunting ginhawa sa paglalakbay ang mga estudyante at ang kanilang mga magulang bilang pagkilala sa mahalagang papel ng edukasyon.

“Sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, maging bahagi tayo sa edukasyon ng ating mga kabataan, sapagkat education is the foundation of growth of any nation. Ineengganyo natin ang mga estudyanteng magkaroon ng kultura ng punctuality, kapalit niyan ang libreng pamasahe at terminal fee,” ani Secretary Tugade.

“Let us look at this as a gain, not as a loss. Tingnan natin ito bilang isang tunay na pagmamalasakit ng gobyerno. Tingnan natin kung gaano nito matutulungan ang ating mga estudyante. Malaking katipiran ito. Malaking tulong ito para sa kanila at sa kanilang mga pamilya,” dagdag niya.

Kaugnay ng ito, nagpahayag ng pasasalamat si Secretary Tugade kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Reynaldo Berroya, Philippine National Railways (PNR) General Manager Junn Magno, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) Director for Operations Michael Capati, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago, at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco para sa ambag ng kani-kanilang mga ahensya upang mabigyan ng maginhawang buhay ang mga Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.

“Ako ay nagpapasalamat sa aking mga kasamahan sa railways, maritime, at aviation and airports dahil malaking bagay para sa kagawaran na ito na may puso at damdamin kami, lalo na para sa mga estudyante. Ito ang aming maliit na ambag sa kanilang quest for education,” dagdag ni Tugade.

Sa ilalim ng “Student Free Ride Program,” magiging libre ang pamasahe ng mga estudyanteng sasakay ng MRT-3, LRT-2 at PNR mula Lunes hanggang Biyernes maliban sa holiday simula ika-1 ng Hulyo 2019.

Para sa MRT-3, libre ang sakay mula 5:00AM hanggang 6:30AM, at mula 3:00PM hanggang 4:30PM. Ang LRT-2 naman, may libreng sakay para sa mga mag-aaral mula 4:30AM hanggang 6:00AM, at mula 3:00PM hanggang 4:30PM.

Para sa PNR, ipatutupad ang libreng sakay mula 5:00AM hanggang 6:00AM, at mula 3:00PM hanggang 4:00PM.

Pasok bilang mga benepisyaryo ng Student Free Ride Program ang mga mag-aaral mula preschool hanggang kolehiyo (undergraduate lamang), gayundin ang mga nasa trade, arts, technical, vocational schools.

Para sa unang yugto ng implementasyon sa darating na Hulyo, kailangan lamang ipakita ng estudyante ang kanyang valid school ID para maka-avail ng libreng pamasahe.

Gayunman, ipatutupad kalaunan ang application para sa Student Free Ride ID na magagamit sa MRT-3, LRT-2 at PNR. Maaaring mag-apply ng Student Free Ride ID online o sa mga Malasakit Help Desk sa mga istasyon ng tren.

Ayon sa mga tagapamuno ng mga naturang rail line, hangad ng “Student Free Ride Program” na hikayatin ang mga estudyanteng pumasok nang maaga sa eskwelahan. Makatutulong din itong mabawasan ang arawang gastusin.

“Ito ang aming suporta, ang aming puso at malasakit sa aming mga kababayan, lalo na sa mga estudyante na libre ang kanilang sakay sa LRT-2,” ayon kay LRTA Administrator Berroya.

“Kami naman ay magbibigay ng anti-cut off pass po para sa mga estudyante upang makarating sila sa kanilang eskwela on-time. Hindi nila kailangang maghintay sa regular na pila,” dagdag ni PNR GM Magno.

“Binibigay namin ang aming suporta sa initiative ng aming butihing Secretary upang mapagaan ang gastusin ng ating mga estudyante papunta sa kanilang eskwelahan,” ayon kay MRT-3 Director for Operations Michael Capati.

Exempted ang mga mag-aaral sa pagbabayad ng passenger terminal fee (PTF) sa mga pantalang pag-aari o pinangangasiwaan ng PPA sa buong bansa. Magsisimula ang libreng PTF sa ika-16 ng Hulyo 2019.

Libre ang PTF ng mga estudyante mula elementary hanggang kolehiyo, kasama na ang mga nasa vocational o technical institution.

Bukod sa mga estudyante, libre rin ang PTF ng mga senior citizen, PWDs, at active uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard.

Ayon kay GM Santiago, ang pag-aalis ng PTF para sa mga estudyante ay nagsisilbing bonus para sa kanilang dedikasyon sa pag-aaral.

“Mamadaliin natin ang paglalatag ng proseso sa 114 seaports sa bansa upang maipatupad ito pagdating ng July 16,” ani GM Santiago.

Sa mga paliparang nasa ilalim ng pangangasiwa ng CAAP, hindi na rin pagbabayarin ang mga estudyante ng airport terminal fee simula ika-01 ng Agosto 2019.

Pasok dito ang mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo, kasama na ang mga nasa vocational at technical school.

Kailangan lang magpresenta ng estudyante ng valid school ID o enrollment registration card na may litrato upang makakuha ng exemption sa pagbabayad ng terminal fee.

Hindi kasama sa mga paliparang magbibigay ng libreng terminal fee ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Mactan-Cebu International Airport (MCIA), at Clark International Airport (CRK), na pawang hindi saklaw ng CAAP.

Ayon kay DG Sydiongco, ipinagmamalaki ng CAAP na makiisa sa “Malasakit” initiative ng kagawaran.

“Bilang suporta, sumasabay kami sa DOTr, sa direksyon ni Secretary Tugade, na tulungan ang mga estudyante sa pamamagitan ng libreng terminal fees, domestic at international, as our full support sa pagsusulong sa direksyon na gustong marating ng ating gobyerno,” paghahayag ni DG Sydiongco.

Ayon naman kay Secretary Tugade, tatakbo ng tatlong buwan ang trial period para sa inisyatibo. Aniya, bukas ang DOTr para sa mga suhestyon para mapabuti pa ang pagpapatupad ng programa.

“We’re not looking for a perfect implementation. We will improve as the implementation goes on. At least, nasimulan na at matatamasa na agad ng mga estudyante ang benepisyo,” giit ni Tugade.