BBM-ISKO! Bongbong Marcos, handang makipag-usap kay Mayor Isko Moreno para sa 2022 national elections

Tiniyak ng kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muli itong kakandidato sa susunod na eleksiyon.

“He will be definitely running for 2022,” sabi ni Atty. Vic Rodriguez.

“We will be making an announcement as to his plans for 2022,” dagdag pa nito.

Nagsalita na rin si Marcos sa mga haka-haka ng umano’y tandem nila ni Manila Mayor Isko Moreno para sa 2022 national elections.

Ito’y matapos kumalat sa social media ang larawan nilang dalawa na magkatabi sa isang hapagkainan.

Paliwanag ni Bongbong, dinner lamang ang kanilang dinahulan ng alkalde at aniya’y kaibigan na niya si Moreno buhat pa noong ito’y teenager.

“Actually ‘yung lumabas sa social media, inimbitahan lang kami ng isang kaibigan para sa dinner dahil binuksan ‘yung restaurant niya,” saad ni BBM.

Nang matanong naman sa posibleng tambalan nila, sinabi ni Marcos na hindi pa nila napag-usapan ang naturang bagay.

“Hindi niya tinatanong sa’kin ang plano ko, hindi ko tinatanong sa kanya plano niya. Hindi pa panahon eh,” lahad ni Marcos.

“Kung magsabi siya na interasado siyang tatakbo, edi sige mag-usap kami. Tingnan natin what will happen in the next few months,” aniya pa.