fbpx
≡ Menu

May-ari ng F/B Gem-Ver 1 at Recto Bank 22, nangambang maudlot ang tulong sa pagbibitiw ni DA Sec. Manny Piñol

May-ari ng F/B Gem-Ver 1 at Recto Bank 22, nangambang maudlot ang tulong sa pagbibitiw ni DA Sec. Manny Piñol

Nangangamba ang mga mangingisda ng F/B Gem-Ver 1, ang bangkang nawasak matapos umanong banggain ng Chinese vessel sa bahagi ng West Philippine Sea, na maaaring maudlot ang tulong sa kanila ng gobyerno sa pagbibitiw ni Department of Agriculture (DA) Sec. Emmanuel Piñol.

Nasubukan na ng mga mangingisda ang kakayahan ng mga bagong fiberglass boat sa dagat na ipinagkaloob ng gobyerno.

“Okay naman po, kahit maalon,” ayon sa mangingisdang si Frederick Roldan.

“‘Yung sa akin lang ay mapakinabangan lang namin sa hanapbuhay,” sabi ng mangingisdang si Bernel Agustin.

Ngunit limitado raw ang kayang puntahan ng mga bangka kaya limitado rin ang maaari nilang mahuling isda, hindi tulad ng nasirang F/B Gem-Ver 1.

Inaalala naman ng may-ari ng bangka na si Arlinda Dela Torre ang pagbibitiw sa pwesto ni Piñol.

“Kinakabahan na po dahil siya po ‘yung isang nangako na tutulong sa amin. Mula po nang makita ko sa TV na nag-resign na siya, nawalan na po ako ng pag-asa,” sabi ni Arlinda dela Torre, may-ari ng F/B Gem-Ver 1.

Sa naunang pahayag ni Dela Torre, nalugi na raw siya ng aabot sa P2 million sa pagkasira ng kanilang bangka sanhi ng insidenteng naganap sa Recto Bank.

Mababatid na nakatanggap na ng P1.2 million na tulong ang 22 mangingisda mula sa Federation of Filipino-Chinese Chambers Of Commerce And Industry, Inc.

Para ito sa kompletong rehabilitasyon ng kanilang nasirang bangka at P250,000 na livelihood assistance.