≡ Menu

Richard Gordon, tinawag na propaganda ang pagbatikos sa kanyang batas na Motorcycle Crime Prevention Act

Richard Gordon, tinawag na propaganda ang pagbatikos sa kanyang batas na Motorcycle Crime Prevention Act

Ginagamit lang umano ng mga ayaw sa bagong batas na Republic Act 11235 o the Motorcycle Crime Prevention Act ang bansag na “Doble Plaka” para hikayatin ang mga motorcycle rider na huwag itong ayunan.

Ito ang reaksyon ni Sen. Richard Gordon matapos ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin muna ang implementasyon ng batas dahil delikado umano na maglagay ng anumang bagay sa harapan ng motorsiklo dahil maaari itong tumama sa mukha ng rider.

Paliwanag ni Gordon, hindi naman metal o plaka ang ilalagay sa harapan ng motorsiklo kundi sticker na may registration number.

“In the first place, the title of the law is Motorcycle Crime Prevention Act of 2019, hindi Doble Plaka. That is a misnomer dahil hindi naman lalagyan ng plaka yung harapan. Ang ilalagay sticker or decal na hindi magpo-pose ng danger sa safety ng riders. Isa lang yan sa mga propagandang pinapakalat nung mga ayaw sa batas na ito,” ani Gordon.

Mali aniya ang salitang “Doble Plaka” dahil hindi naman lalagyan ng plaka ang harapan ng motorsiklo kundi sticker o decal na hindi makakadisgrasya sa mga rider.

Malamang aniya ay ganoon ang nakarating na impormasyon sa Pangulo kaya sinuspinde ang batas.

“Kung ipapatawag niya ako e pupunta ako at haharap sa kanya. Pero sa palagay ko mistake lang yung naibigay sa kanya, as usual, like yung dobleng plaka, hindi doble plaka yan; katulad nung sinasabing lata, lilipad sa mukha. Pwede ba naman yun? Syempre Red Cross ako, safe driving tayo. Kaya nga, we also stand up para sa mga naaaksidenteng motorcycle riders. Araw-araw may sinasagip kami sa Red Cross na biktima ng motorcycle mishap. Kasi dun tayo sa para sa kabutihan ng pangkalahatan – yung common good,” aniya.

“Hindi ako nagpapagwapo, ten years na yan e. Noong una pa lang akong naging senador, sinasabi ko na yan. Kawawa naman yung taong walang kalaban-laban, namatay ang nanay niya, binaril, namatay ang tatay niya, huwes, namatay ang tatay niya fiscal, namatay ang tatay niya pulis. Walang kalaban-laban. Sinong nagsasalita dun? Hindi makapagsalita yang mga yan, hindi sila organized. Kung hindi natin ipaglalaban ang mga yan e kawawa talaga ang tao. Naninindigan po ako para sa tao – kailangan nating proteksyunan na. Sobra na ang patayan na ginagawa ng mga riding-in-tandem, tatlong dekada na po yan,” sabi ni Gordon.

“Pag binaril, syempre madaling tumakas pagka motorsiklo at kung walang plaka e talagang matatakasan ka. Dito sa batas na ito, kung wala kang plaka mahuhuli ka agad, kung yung plaka mo binura, may fine yan, kung di mo pinarehistro yung motorsiklo mo may fine na malaki para mag-alangan silang i-violate,” dagdag ni Gordon.