HUWAG KA KAPIT-TUKO! Raffy Tulfo, pinagbibitiw sa puwesto si DOH Sec. Francisco Duque

Nakapagbitaw muli ng mga maaanghang na salita si Raffy Tulfo patungkol sa dati na niyang panawagan na mag-resign na si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque.

Ito ang pangalawang pagkakataon na tahasang sinabi ni Tulfo sa kanyang YouTube channel ang dapat na pagbibitiw na sa tungkulin ni Duque at ngayon, pati na rin ng Food and Drug Administration (FDA) Secretary Dr. Eric Domingo.

Sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, nararapat lamang daw na mas mabibigat na aksyon na ang isinasagawa ng DOH gayundin ng FDA na nag-aapruba ng mga gamot na maaring magamit kontra sa nasabing virus.

Ayon kay Tulfo, nakalulungkot na isipin na sa kabila ng hirap ng mga kababayan nating tinatamaan ng virus na matiyagang pumipila sa mga ospital kahit pa agaw-buhay na sila, mayroon din namang mga “oportunista” na pinagkakitaan pa umano ang pandemya.

Inihalimbawa ni Tulfo ang ilang Chinese medicine na dating ipinagbabawal sa bansa na ngayo’y aprubado na.

Mura raw kasi ito at kahit na paano’y kayang mabili ng masa kumpara sa ibang mga gamot na libo-libo ang inaabot ng halaga na hindi kayang bilhin ng karamihang mga Pilipino.

Nabanggit din ni Tulfo ang kabi-kabilang mga panawagan kay Duque na magbitiw na sa puwesto ngunit hindi pa raw nito ginagawa.

Dagdag pa ni Tulfo, kung talagang may prinsipyo pa umano si Duque, lalo na at kaibigan umano si Pangulong Rodrigo Duterte, siya na mismo dapat ang kusang magresign bilang kalihim ng DOH.

httpv://www.youtube.com/watch?v=t-TNm6KLD1Q