13-anyos na lalaki, patay matapos makuryente sa ginamit na headset sa computer shop

Nasawi ang isang 13-anyos na lalaki matapos siyang makuryente sa ginamit na headset sa isang internet shop sa Sara, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng Sara PNP, inabisuhan raw ng may-ari ng internet shop ang biktima na huwag gamitin ang headset dahil sira ito.

Pero ginamit pa rin umano ng biktima ang headset na naging dahilan upang makuryente siya.

Tinangka pang tulungan ng mga nakakita ang biktima ngunit nakuryente rin ang mga ito kaya bumitaw sila.

Kaya agad na dinala ang biktima sa ospital pero ideneklara itong dead-on-arrival ng doktor.

Handa namang tumulong ang may-ari ng internet shop sa pagpapalibing sa biktima.

Hindi pa malinaw kung bakit naroon pa rin ang killer headset kahit alam ng may-ari na ito ay sira na.