in

Karayom na nahigaan at tumagos sa katawan ng 6-anyos na bata, halos pumasok na sa baga

Isang 6-anyos na babae sa Sorsogon ang muntik nang mapahamak dahil sa karayom na nakalimutang itabi hanggang sa mahigaan at bumaon sa kaniyang katawan.

Nanghihina at hirap kumilos ang batang si Carlene Villaceran nang humingi ng tulong sa Kapuso Foundation nitong nakaraang Enero bunga ng karayom na bumaon sa likod ng katawan ng bata.

“Ako po kasi talaga nagtatahi pero hindi ko naman po akalain na may matitirang karayom sa higaan namin,” sabi ng lola ng bata na si Monica Mendina.

Bagaman naoperahan na si Carlene sa Sorsogon, hindi naman umano natanggal ang karayom na pumasok na sa katawan ng bata.

Nang ilapit ng Kapuso Foundation si Carlene kay Dr. Beda Espineda, isang pediatric surgeon, lumitaw sa pagsusuri na wala na sa likod ng bata ang karayom at lumipat na sa ibang parte ng katawan na malapit sa baga.

Kaya naman isinailalim agad si Carlene sa isang operasyon. Mabuti na lang umano at naagapan ang paggalaw ng karayom at hindi tuluyang bumaon sa kaniyang baga.

“Nagbutas kami sa tagiliran, pumasok kami ng instrumento na parang forcep lang, naabot naman at nadukot namin yung karayom,” paliwanag ni Dr. Espineda.

Labis naman na ikinatuwa ng ina ni Carlene ang magandang balita at nakauwi na rin ang mag-ina sa Sorsogon para makapaghanda na sa susunod na pasukan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0