DOTA, Mobile Legends, at iba pang online games, posibleng maisama sa Palarong Pambansa

DOTA, Mobile Legends, at iba pang online games, posibleng maisama sa Palarong Pambansa

Sa dami ng mga Pilipino na nahuhumaling sa paglalaro ng online games ngayon, hindi nakakagulat na itinuturing na ito bilang isang tunay na e-sports.

Napag-alaman kasi na kasama na ang ilang online games sa darating na Southeast Asian Games na gaganapin sa Pilipinas bilang medal sports.

Hindi pa napag-uusapan ng Deparment of Education (DepEd) na siyang tagapangasiwa ng Palarong Pambansa ang pagpasok ng mga online games sa mga laro.

Inamin ni Palarong Pambansa 2019 Secretary-General at DepEd Undersecretary Revsee Escobedo na hindi pa napag-uusapan sa Palaro Board ang maaaring pagsama ng e-sports kagaya ng Mobile Legends at DOTA sa taunang kompetisyon.

Ayon sa kaniya, maraming laro na nasa SEA Games ang pinag-iisipan ng departamento na isama bilang demo sport sa Palaro subalit mas pinili nila na gawin ang larong Pinoy ngayong taon alinsunod na rin sa hiling ni Secretary Leonor Briones.

“The secretary wants to include larong Pinoy in the regular Palarong Pambansa sports. Maybe next year, we have larong Pinoy as demo sports with other sports. But not online games,” paliwanag ni Escobedo.

Dagdag pa ni Escobedo, prayoridad ng Palaro Board ang mga larong makapagpapalakas at pabuti sa motor at physical skills ng mga batang manlalaro.

“There are positive and negative observations with regards to online games. What is important is we have to balance. What is important to us, the officials of DepEd, is the holistic development of our lifelong learners,” ani Escobedo.

Bagamat hindi pa napag-uusapan ngayon, nilinaw nito na hindi nila sinasarado ang pinto para sa online sports.

Nais lamang nila pag-aralan maigi ang mga benepisyong maaaring makuha ng mga estudyante sa e-sports.

Samantala, patuloy naman ang mga pagbabago aniya sa pagsasagawa ng Palaro lalo pa’t marami sa mga e-sport ay nangangailangan na ng teknolohiya.

Pagbibida ni Escobedo, sumasabay na ang DepEd sa teknolohiya sahol na rin sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Yes, we are adapting to the technology. We are implementing technological innovations. The PSC is very strict when it comes to compliance with international rules and standards. Some of the equipment we will use in Palarong Pambansa are borrowed from PSC like in swimming,” pahayag ni Escobedo.

Ang Palarong Pambansa ay isasagawa sa Davao City mula Abril 27 hanggang May 4, 2019.