≡ Menu

13-anyos na dalagita, umaming gawa-gawa lang ang Facebook post niyang ‘kinidnap’ siya sa Quezon City

13-anyos na dalagita, umaming gawa-gawa lang ang Facebook post niyang ‘kinidnap’ siya sa Quezon City

Isang 13-anyos na dalagita sa Quezon City ang umamin sa mga awtoridad na gawa-gawa lang niya ang kuwento at Facebook post niya na dinukot siya at pinatutubos sa kaniyang mga magulang.

Humarap sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Group si alyas “Sarah” at inaming hindi totoong siya ay kinidnap ng ilang lalaki gaya ng kaniyang sinabi sa social media.

“Hindi po totoo na na-kidnap ako. Naisipan ko lang po ‘yun kung may mag-aalala sa akin o wala,” ani Sarah.

Sa Facebook post, ibinahagi ni Sarah na dinukot siya sa may Brgy. Old Balara kaya humingi siya ng tulong dahil hindi raw siya makatakas sa mga nandukot sa kaniya.

Nai-share ng mga kaibigan ni Sarah ang post kaya napansin ito ng mga barangay official at pulis.

Sa takot, nagpa-blotter ang ina ng dalagita sa QCPD Station 6 at dun ipinakita rin ang text message na natanggap mula sa umano ay kidnapper na nanghihingi ng perang pantubos kapalit ng buhay ng anak.

Unang naikuwento ni Sarah na pinakawalan daw siya ng mga dumukot sa kaniya dahil walang pera ang kaniyang mga magulang pero kalaunan ay umamin din na gawa-gawa lang ang nangyari.

Sa opisyal na report ng dalagita sa mga pulis, sinabi nitong nagtungo siya sa simbahan at nakitulong lang sa isa niyang kaibigan.

Inirekomenda ngayon ng QCPD na isailalim muna sa counselling sa Quezon City Protection Center si Sarah para matulungan at pag-aaralan din kung kailangan itong dalhin sa Quezon City Social Services Development Department.