≡ Menu

Leni Robredo, ilalabas ang nabuong report tungkol sa kampanya kontra droga pagkatapos ng 2019 SEA Games

Leni Robredo, ilalabas ang nabuong report tungkol sa kampanya kontra droga pagkatapos ng 2019 SEA Games

Hinihintay lang daw ni Vice President Leni Robredo na matapos ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games bago ilabas ang kanyang nabuong report kaugnay ng higit dalawang linggong panunungkulan bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Hindi na muna…sa sunod na lang na araw. Malapit na rin,” pahayag ni Robredo sa isang panayam.

“Pinapatapos ko lang iyong SEA Games. Iyong report, soon. Very soon. Hintayin lang natin matapos,” dagdag pa nito.

Magugunitang inanunsyo ni Robredo ang paglalabas ng ulat sa bayan kasunod ng pagsibak sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon.

“Kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lang ako. Sa mga susunod na araw, magbibigay ako ng ulat sa bayan. Sasabihin ko ang aking natuklasan at aking mga rekomendasyon,” ani Robredo.

Ayon kay Robredo, ilalahad niya ang kanyang nadiskubre kasabay ng paglalatag ng mga suhestyon para mapabuti ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon.