DILG, nagbabala sa mga barangay officials na namumulitika sa pagrarasyon ng food pack

DILG, nagbabala sa mga barangay officials na namumulitika sa pagrarasyon ng food pack

Binalaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na may pinipili sa pagrarasyon ng food packs sa kanilang constituents habang umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sinabi ni DILG Undersectetary Jonathan Malaya na marami silang natatangap na reklamo na hinahanapan ng voter’s identification card ang mga residente bago bigyan ng rasyon.

Hindi aniya panahon ng politika kaya dapat na unahin ang pagtulong sa mga apektado ng lockdown.

“May report na nakakarating sa DILG na ang ibang LGU ay humihingi ng voter’s ID at humihingi ng listahan na kailangan ito ay botante para mabigyan ka ng tulong. Bawal po yan. Panahon po ngayon ng tulong, hindi panahon ng politika. Hindi ko maintindihan bakit yung ibang kapitan natin ay ganon,” ani Malaya.

Nilinaw ng opisyal na hindi bawat tao ang bibigyan ng food packs kundi bawat isang pamilya na sapat hanggang tatlong araw at wala nang kailangan pang i-presenta sa mga opisyal ng baranggay na anumang dokumento.

“Hindi po individual ang tulong, per household. Yung food pack should be good from 3 to 4 days para hindi kayo pabalik-balik. Hindi ko po maintindihan kung bakit kailangang malaman ng kapitan kung botante kayo o hindi,” dagdag ni Malaya.

Hinimok ng DILG official ang publiko na isumbong sa kanilang hotline ang mga pasaway na barangay chairman para maaksiyunan kaagad ang mga ito.