Bato dela Rosa: Kung totoo na pinagsamantalahan ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino, bakit mo pa i-renew?

Bato dela Rosa: Kung totoo na pinagsamantalahan ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino, bakit mo pa i-renew?

Inihayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na mas mahalaga ang kapakanan ng bansa kesa sa 11,000 katao na mawawalan ng trabaho kapag hindi na-renew ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020.

“What is 11,000 compared to the whole Filipino nation na matagal nang sinamantalahan ng isang kompanya kung talagang ma-prove ‘yan sa hearing? What is 11,000 compared to the whole Filipino nation?” saad ni Dela Rosa nang tanungin kung ano ang masasabi nito sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho sakaling magsara ang ABS-CBN.

Giit din ni Dela Rosa na kailangan ang congressional probe para malaman kung totoo ang alegasyong maraming paglabag ang ABS-CBN.

“Dapat may hearing para ma-prove talaga ano ‘yung totoo. Mahirap kung puro allegations lang. Kung mabigat ‘yung akusasyon na talagang maraming na-violate ang ABS-CBN, bakit mo pa ni-renew? Kung talagang ma-prove sa hearing na grabe ‘yung sinamantala nang husto ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino, bakit mo pa i-renew?” aniya.

Hindi naman diretsahang sinabi ng mambabatas kung boboto siya pabor sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN pero aniya, “I will live and die with President Duterte. I will sink and swim with him. Hindi ako plastic na magsabing wala akong bias. Totoong tao ako na magsabi na may bias ako towards the President.”

Source: Abante News