in

Pamangkin ni Sen. Leila de Lima na co-accused sa Bilibid drug trade, timbog matapos magtago ng 2 taon

Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang co-accused at sinasabing pamangkin at umanoy dating aide ni Senator Leila de Lima sa kasong may kinalaman sa illegal drug trade.

Ayon kay NBI Director Dante Gierran, inatasan niya ang mga tauhan ng Special Task Force ng ahensya upang i-serve ang warrant of arrest na inisyu ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) laban kay Jose Adrian Dera, na sinasabing dating aide ni De Lima, sa Angeles City, Pampanga.

Naaresto si Dera ng NBI Pampanga sa kanyang bahay sa nasabing probinsya at dadalhin sa NBI headquarters sa Maynila.

Ibinunyag ng inmates ng National Bilibid Prison at mga umanoy drug lord na sina Hans Tan at Peter Co si Dera na may pakana ng pagkakaaresto ng pamangkin ni Co kaugnay sa droga.

Dagdag pa nina Tan at Co na nanghingi umano ng milyong pera at mga sasakyan kapalit ng paglaya ng nahuling pamangkin ni Co.

Itinuturo rin si Dera na isa sa mga bagman ni De Lima at ni dating Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu.

Nabatid na dalawang taon nagtago si Dera bago ito tuluyang naaresto matapos na masabit sa kasong illegal drug trade sa National Bilibid Prison (NBP).