Lolo na PWD, naispatang nagtitinda ng taho sa kabila ng katandaan at kapansanan

Lolo na PWD, naispatang nagtitinda ng taho sa kabila ng katandaan at kapansanan

Hindi naging hadlang ang katandaan at kapansanan para sa isang matandang lalaki na naispatang naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagtitinda ng taho.

Itinampok sa social media ng netizen na si JS Gervacio ang larawan ng isang matandang lalaking PWD (kuba) na tuloy pa rin sa buhay at hindi iniinda ang bigat ng pinapasan gamit ang yantok sa pagitan ng dalawang balde ng inilalako nitong taho.

Kasabay ng ipinasilip na larawan ni Gervacio sa `bayaning’ lolo ay nakatawag-pansin din ang caption nitong, “Help others, even when they can’t help you back. God please help with us.”

Marami namang netizen ang naantig ang damdamin at nagpaabot ng kanya-kanyang papuri.

May ilang mga humanga sa katatagan at kasipagan ng matanda. May ilan din namang nahabag sa kaniyang kalagayan dahil sa kabila ng katandaan ay kinakailangan pa rin nitong magtrabaho para mabuhay.

“Lord give this old man strength through your love. Guide him each day,” panalangin ng isang netizen.

May isang netizen na nagsabing, “Dapat sa Pilipinas may Home for the Aged lalo na sa mga matatandang walang nag-aarugang kamag-anak.”

“Nakakadurog ng puso na makita ang mga matatanda na nagtatrabaho at nahihirapan na dapat nasa bahay lang inaalagan at pinagpapahinga, madaling madapuan ng sakit ang mga matatanda lalo na ang edad na,” bulalas naman ng isa.

Kasabay nito, ibinahagi ng netizen na si Ella Lacsina Blancaflor ang isang larawan ng kaniyang ama na magtataho.

Ipinagmamalaki raw niya ang kaniyang ama dahil sa hirap ng ginagawa nito araw-araw at tinitiis ang init ng panahon habang pasan ang mabibigat na lalagyanan ng taho.