ABS-CBN nasa 4,401 lang ang empleyado, mababa kesa sa sinasabi sa publiko na 11,000 — BIR

ABS-CBN nasa 4,401 lang ang empleyado, mababa kesa sa sinasabi sa publiko na 11,000 — BIR

Ayon sa datos na ipinadala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Office of the Solicitor General nitong Biyernes, makikitang mas mababa ang bilang ng empleyado ng ABS-CBN kumpara sa sinasabi nito sa publiko.

Sa liham na ipinadala kay SolGen Jose Calida noong February 21, sinabi ng BIR na ang ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc. ay may kabuuang bilang na 4,401 lamang, higit na mababa sa 11,000 na sinasabi ng Kapamilya Network para i-renew ang kanilang prangkisa na mag-eexpire na sa March 30.

Ibinase ng BIR ang kanilang natuklasan ayon sa Annual Information Return of Income Taxes Withheld on Compensation at Final Withholding Taxes na isinumite ng ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Convergence Inc.

Ayon sa dokumento ng BIR, mayroong 4,322 empleyado ang ABS-CBN habang may 79 naman ang ABS-CBN Convergence Inc. as of December 31, 2018.

Nakatakdang pag-usapan sa Senate committee hearing bukas, February 24, ang deliberation ng franchise renewal ng TV network na dadaluhan din mismo ni Calida.

Si Calida ang nagsampa ng quo warranto petition sa Korte Suprema na naglalayong bawiin ang prangkisa ng ABS-CBN base sa tatlong batayan:

  • pag-ooffer ng pay-per-view services ng walang kaukulang permit;
  • paggamit ng prangkisa ng isang kumpanya nang hindi kumukuha ng approval mula sa kongreso;
  • at pag-iissue ng Philippine Depositary Receipts (PDR) sa mga dayuhan.

Mariing tinutulan ang quo warranto petition ng ABS-CBN, mga sumusuporta rito, ilang politiko, at maging ang mga makakaliwa. Dahil dito, humiling si Calida sa Korte Suprema ng gag order para sa ABS-CBN.

Sa kabilang banda, ipinag-utos ng Korte Suprema na mag-sumite ng kanilang pahayag ang mga kumpanya ng ABS-CBN sa gag motion sa loob ng limang araw.

“In accordance with due process, the Supreme Court has ordered ABS-CBN Corporation and ABS-CBN Convergence Inc. to file their respective comments within a non-extendible period of 5 days,” ani SC spokesman Brian Keith Hosaka sa nakaraang press briefing.

Ayon kay Calida, lumabag umano ang ABS-CBN sa sub judice sa pamamagitan ng pag-ere ng mga balita, tulad ng video explainer ng mga technical terms na nakapaloob sa quo warranto petition kabilang na ang PDR.

“The statements uttered by Christian Esguerra in the video tend to influence public opinion and unfairly encourage the prejudgment of the instant case — that in the event that the petition will be granted, the Filipinos will experience a sense of unjust treatment as they would be deprived of their favorite shows in ABS-CBN,” sabi ni Calida sa kanyang naunang pahayag.

Ang iba pang tinukoy ni Calida na paglabag sa sub judice ay ang mga pagsagot ng ABS-CBN sa mga alegasyon sa ere, “mga komentaryo,” maging ang mga article na nagsisipi ng iba’t-ibang eksperto na tumatalakay sa paksa.

Nitong Biyernes, mahigit dalawang libong empleyado at mga artista ng ABS-CBN ang nag-rally sa kalsada sa labas ng compound ng kumpanya kasama ang mga grupong sumusuporta sa pag-renew ng prangkisa ng network.

Kabilang din sa nakiisa sa rally ang mga grupong National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) at Altermidya, Bayan Muna Party List, Gabriela, at ang College of Mass Communication ng University of the Philippines.

Noong Huwebes, naglabas ng pahayag ang CEO and president ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak na hindi nila kailangang tumigil sa operasyon at handa silang sumunod sa legal na proseso.

Source: Bored Productive, Daily Tribune