PAALALA NG PAWS: Iligtas ang mga alagang hayop sa mapanganib na ashfall dulot ng pag-aalboroto ng Taal Volcano

PAALALA NG PAWS: Iligtas ang mga alagang hayop sa mapanganib na ashfall dulot ng pag-aalboroto ng Taal Volcano

Hindi lamang mga tao ang apektado sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal kundi pati na rin ang mga hayop ay nanganganib rin sa epekto ng abo at putik ng bulkan.

Nagpayo ang ilang beterinaryo na dapat ding ipasok sa loob ng bahay ang mga alagang hayop dahil hindi rin sila ligtas sa mapanganib na abo lalo na’t patuloy pa rin ang pag-alburoto ng Bulkang Taal.

Ayon kay Dr. Silver Nano, mas mabilis at maraming nalalanghap na particle sa hangin ang mga alagang hayop kumpara sa mga tao.

Samantala, nagbigay na rin ng mga tip ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa kanilan Facebook page kung paano ang pag-aalaga sa mga hayop sa gitna ng ashfall:

  • Panatilihin sa loob ng bahay ang mga alagang hayop kung maari
  • Tiyaking hindi lantad sa ashfall ang mga pinagkakainan ng mga hayop
  • Bantayang maigi kung ang hayop ay umuubo o nahihirapang huminga at kung makitaan man ng mga sintomas ay ipasuri agad sa beterinaryo
  • Sakaling nalantad na sa ashfall, punasan o paliguan ang hayop at huwag hayaan ang mga alaga na dilaan ang abo

Giit ni PAWS Executive Director Anna Cabrera, maaari ring magdulot ng permanenteng pinsala sa mata ng hayop ang abo.

Maaari rin silang mamatay kapag matagal silang nakalantad sa abo.

Nagbuga ng abo ang Bulkang Taal nitong Linggo, Enero 12, at umabot pa ito sa ilang bahagi Metro Manila.