Presyo ng face mask sa isang tindahan sa Batangas, pumalo na sa P500 kada isa

Presyo ng face mask sa isang tindahan sa Batangas, pumalo na sa P500 kada isa

Sinamantalang mga ilang tindahan ang malaking demand ng face mask dahil sa alikabok dulot ng binagsak na abo o ashfall ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Sa Maynila, umabot sa P200 ang bentahan ng N95 face mask na dating nabibili lamang sa halagang P35.

Sa Batangas, pumalo sa P500 ang presyo ng N95 sa isang botika doon.

Ayon sa isang netizen, bumili siya ngayong Lunes, Enero 13, ng dalawang N95 mask sa isang botika sa Lipa, Batangas kahit ganoon ang presyo dahil kailangan ng kanyang kapatid na may hika.

Sa kanyang resibo, makikita na P1,000 ang binayaran niya para sa mga face mask.

Naalarma tuloy ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ginagawang pagsasamantala ng mga negosyante.

“It has been reported that some retailers have jacked-up their prices of face masks and gas masks, taking advantage of the surge in demand of these products due to the recent eruption of Taal volcano,” ayon sa statement ng ahensiya.

“The Department of Trade and Industry hereby issues notice to all retailers that we have dispatched teams to monitor and observe movement of retail prices in the market,” bahagi ng anunsyo ng ahensya.

Ang mapapatunayang umaabuso sa presyo ng mga face mask ay pananagutin ng DTI base sa isinasaad ng batas.

“DTI will not hesitate to file administrative and criminal charges against unscrupulous business entities and individuals who capitalize on the consumer’s urgent need for their own profit,” babala pa ng DTI.

Nilinaw ng DTI na mananatili ang presyo ng pangunahing mga pangangailangan ng publiko base sa suggested retail price na inilabas noong Setyembre 31, 2019.

Ayon sa US Food and Drug Administration, ang N95 mask ay nagbibigay ng “a very close facial fit” at  “very efficient” laban sa airborne particles.

Sinabi pa na ang ‘N95’ designation ay nangangahulugan na kapag ito ay nagkaroon ng maingat na testing, ang respirator ay nakapagsasara ng halos 95% ng pinakamaliit (0.3 micron) test particles.