fbpx
≡ Menu

Mayor Isko Moreno, pabor na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte para maresolba ang traffic crisis

Mayor Isko Moreno, pabor na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte para maresolba ang traffic crisis

Pabor si Manila Mayor Isko Moreno na mabigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang krisis sa trapiko sa lungsod ng Maynila at iba pang lugar sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Isko na hindi labag sa konstitusyon ang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo basta lagyan daw ng probisyon na makakasigurado na hindi maabuso ang kapangyarihan.

“Hindi ‘yung buong-buo. Lagyan mo ng mga tamang duda, karga mo ng konti doon sa probisyon para ‘pag merong abuso gagamitin mo ‘yung mga probisyon na ito. But ako lang ha… bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon?” sabi ni Mayor Isko.

Ayon pa kay Mayor Isko, responsibilidad ng gobyerno na resolbahin ang trapiko sa bansa kaya dapat umanong pagkatiwalaan ng mga Pilipino si Pangulong Duterte.

“Di ba governance is about the people? Well, the people are happy with the leader, they have full trust… If he is the leader for that particular matter, ask Congress, ‘Congress, I need this, to implement this’ because that is his vision,” dagdag pa ng alkalde.

Samantala, muling isinulong sa 18th Congress ang panukalang bigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte na pinaniniwalaang reresolba sa traffic crisis sa bansa.

Sa Senate Bill 213, ipinunto ang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na nasa P3.5 billion araw-araw ang nawawala dahil sa trapik at congestion crisis sa lungsod ng Maynila pa lamang.

Ang panukala ay ililimita sa Metropolitan Manila, Metropolitan Cebu, Davao City, Cagayan de Oro City at iba pang “highly urbanized cities” habang lalagay naman sa national emergency ang land, air at sea traffic.

Ililimita rin ang emergency powers ng Pangulo sa pagresolba ng trapiko at congestion crisis.

Sa ilalim ng panukala, ang Secretary of Transportation ang itatala­gang de officio Traffic Crisis Czar na magiging alter ego ng Pangulo sa buong panahon na umiiral ang emergency powers.

Sinabi naman ni DOTr Sec. Arthur Tugade na pipilitin niyang maipaliwanag sa mga senador ang kahalagahan ng panukala upang mapadali na rin ang pagpapasa nito.

Nakasaad din na magkakaroon ng pagbabago sa oras ng pagpasok sa mga opisina o kumpanya at liliwanagin ang papel ng local government units.