Manny Pacquiao, sinampahan ng kaso ng Paradigm Sports Management dahil sa paglabag sa pinirmahang kontrata

Sinampahan ng kaso ang boxing champion at senador na si Manny Pacquiao dahil sa breach of contract o paglabag diumano sa pinirmahan nitong kontrata.

Isinampa ng Paradigm Sports Management ang kaso laban kay Pacquiao matapos itong pumayag na makalaban si WBC at IBF Welterweight Champion Errol Spence sa Agosto 21 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.

Matatandaan na noong Pebrero ng magsanib pwersa si Pacquiao at ang Paradigm Sports para sa isang four fight deal kasama ang DAZN.

Sinabi ni Paradigm Sports Management Audie Attar na pinaplantsa na ang laban ni Pacquiao kay American Welterweight Champ Mikey Garcia pero sa anunsyo ng senador ay si Spence ang makakalaban nito.

Sinabi naman ni Paradigm lawyer Atty. Judd Burstein na daranas ng ilang milyong dolyar na pagkalugi ang ginawa ng kampo ni Pacquiao.

“In addition to the millions of dollars in straightforward economic loss that Paradigm stands to suffer, the damage to its reputation resulting from Pacquiao’s breaches is incalculable,” ani Burstein.

“Just when Paradigm was at the cusp of establishing itself as a major player in professional boxing, Pacquiao has left its reputation as a boxing representative in tatters.”

Samantala, iginiit naman ni Pacquiao na walang merito ang kasong isinampa sa kaniya ng Paradigm Sports kung saan ipinasasauli ang $3.3 million advance at ipinatitigil din ang bakbakang Pacquiao-Spence.

Nilinaw din ni Pacquiao na may karapatan siyang makipaglaban kay Spence sa ilalim ng kasunduan niya sa Paradigm.

Sakali aniyang magtutuloy-tuloy ang paghahabla kay Pacquiao ay handa aniya ang huli na ilaban ito sa korte.