fbpx
≡ Menu

Pulis at grupo ng militanteng kabataan, nagkagulo matapos batuhin ng pintura ang gate ng CHED

Pulis at grupo ng militanteng kabataan, nagkagulo matapos batuhin ng pintura ang gate ng CHED

Nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng iba’t-ibang mga grupo ng militanteng kabataan at kapulisan sa isinagawang kilos-protesta laban sa tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City.

Iprinotesta ng mga kabataan ang pagtaas ng matrikula sa iba’t-ibang eskuwelahan maging ang pagkakatanggal sa kolehiyo ng subject na Filipino at Panitikan, at posibleng pagbalik ng mandatory ROTC.

Nakuhanan naman ng video ang aktwal na komosyon sa CHED kung saan pilit na pinapasama ng mga pulis ang mga kabataang nangbato ng pintura.

Nagsimula ang komosyon nang may mga raliyistang nagbato ng mga paint bomb sa gate ng tanggapan dahilan para pigilan sila ng mga pulis at arestuhin.

Maririnig din sa video na umalma ang mga kasamahan ng mga kabataan sa ginawa ng mga pulis.

“Bakit n’yo sinasaktan?” sigaw ng isang aktibista.

Paliwanag ng pulis na hindi na umano tama ang ginagawa ng mga kabataan kung kaya kailangan nilang pigilan ang pag-eeskandalo ng mga ito.

“Hindi sinasaktan. Kailangan lang kuhanin kasi mali na ‘yan,” saad ng pulis.

Nagkaroon ng pagpalag sa grupo ng mga kabataan sa pagkaaaresto ng tatlo nilang mga miyembro.