fbpx
≡ Menu

PNP, pinabubura sa Pornhub ang sex scandal ng dalawang magkasintahang senior high na kumakalat sa social media

Hiniling na ng Philippine National Police’s (PNP) Anti-Cybercrime Group-10 (ACG-10) sa pamunuan ng Pornhub at iba pang pornography-streaming website na burahin ang inupload na sex scandal ng dalawang magkasintahang senior high na kumakalat ngayon online.

Ayon kay ACG-10 investigator Staff Sgt. Ritchel Tesoro, nagpadala na sila ng request para burahin ang naturang video sa Pornhub at inaasahang aalisin sa lalong madaling panahon.

“The NBI-10 has asked for our technical assistance to have the videos deleted from the website,” ani Tesoro na sinabi ring inumpisahan na ng NBI-10 ang imbestigasyon.

Nag-ugat ang aksyong ito mula sa reklamo ng ama ng isang 17-anyos na senior highschool student na umanoy patagong kinunan ng video ng kanyang nobyo habang sila ay nagtatalik at inupload pa online.

Sa pag-iimbestiga, natukoy ang pinapasukang paaaralan ng babae at ng kanyang 16-anyos na nobyo na senior high school din base sa suot nilang uniporme ay mga estudyante ng Xavier University high school department na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Nahaharap sa iba’t-ibang kaso ang nag-upload ng video kabilang ng paglabag sa Republic Act 9995 para sa kasong video voyeurism, Republic Act 9795 sa child pornography at Republic Act 9262 para naman sa violence against women.

Nilinaw ng pulisya na kakasuhan din ang sinumang may hawak ng video o magpapakalat kasabay ng pagpapaalala na kung ito ay makikita sa Facebook huwag nang ipakalat ang nabanggit na video.

Ipinunto ng pulisya na labag sa batas ang pagpapakalat, pagbebenta ng anumang uri ng child pornography sa ilalim ng Section 4 of RA 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.