≡ Menu

Sen. Bato Dela Rosa, hinamon si Erwin Tulfo: Dumaan muna kayo sa akin para matikman ninyo

Sen. Bato Dela Rosa, hinamon si Erwin Tulfo: Dumaan muna kayo sa akin para matikman ninyo

Hinamon ni senator-elect Ronald “Bato” Dela Rosa ang sino mang nais manakit kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na dumaan muna sa kaniya nang matikman ng mga ito ang ‘brotherhood’ ng mga PMAyer.

Ibinahagi ni Dela Rosa sa kaniyang Facebook account ang larawan nila ni Bautista.

“Kung sino man ang gustong mambastos at manakit sa napakabait at napakamaginoong upperclassman ko na ito dumaan muna kayo sa akin para matikman ninyo ang brotherhood ng PMAyers,” caption sa larawan ni Dela Rosa at Bautista.

Hindi naman direktang sinabi ni Dela Rosa sa kaniyang post na si Erwin Tulfo ang tinutukoy nito ngunit matatandaan na naging maugong ang ginawang pagmumura ng broadcaster laban kay Bautista dahil sa di umanoy pagpayag nito na ma-interview.

Sinabi pa ni Tulfo na sasampalin at imumudmod niya sa inidoro si Bautista.

“Sampalin kita pag nakita kitang buang ka eh, wala akong pakialam kung retired general ka, ngudngurin ko yung mukha mo sa inodoro. Demonyo ka rin isa ka pa, dagdag ka pa sa problema,” pahayag ni Tulfo.

Humingi naman ng tawad si Tulfo sa kaniyang mga binitawang masasakit na salita ngunit hindi nito binawi ang pamumuna kay Bautista.