IMBES NA BACKRIDE: DILG, iminungkahi sa mga nagmomotor na magkabit ng sidecar

IMBES NA BACKRIDE: DILG, iminungkahi sa mga nagmomotor na magkabit ng sidecar

Nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na bawal pa rin ang pag-angkas sa mga motorsiklo kahit nasa ilalim na ng general community quaratine (GCQ) ang Metro Manila.

Tinuldukan ni Año ang mga panawagan na payagan ang magkaangkas na mag-asawa sa motorsiklo sa pagsasabing ito’y magiging paglabag sa mga health protocol.

“Ang ating angkas, ang ating panuntunan diyan ay bawal pa rin sapagkat ito ay malaking violation sa ating health protocols,” sabi ni Año.

Sa isang virtual briefing, iginiit ni Año na posibleng magkahawaan ang mag-asawa kapag naghiwalay na sila para pumasok sa kani-kanilang trabaho.

“Unang una, i-explain ko lang kung and mag asawa ay papasok at naka angkas, pagdating sa opisina ay mahahawa ang lalake, at pag uwi niya naka angkas yung babae naman mahahawa. Ang susunod naman na mahahawa ay yung opisina nung babae,” paliwanag ni Año.

Idinagdag ni Año na habang meron pang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ay hindi pa puwedeng magsugal ang pamahalaan.

“Hangang saan ay dumating tayo sa new normal, wala na tayong virus, at wala nang positive cases, ay babalik din naman po tayo diyan,” ayon pa kay Año.

Pinayuhan ni Año ang mga nais iangkas ang mga misis na lagyan na lang ng sidecar ang motorsiklo o bisikleta para masunod pa rin ang physical distancing.

“Konting pasensya lang. Paano natin ma-sosolve ang itong angkas ay, dahil halimbawa, mag asawa nga sila. Unti unti po ay gumagawa tayo ng bicycle lane, gagawa tayo ng tricycle lane, at lagyan na lang po ng sidecar yung motor at pwede niya isama yung kanyang misis,” ayon pa kay Año.

Kasabay nito, humingi si Año sa mga commuters ng pang-unawa ngayong nasa ilalim na tayo sa tinatawag na new normal.

Kailangan din umanong mag-ingat ang taong bayan para hindi bumalik sa enhanced community quaratine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa.