≡ Menu

SOGIE Equality Bill, isesertipika bilang urgent ni Pangulong Duterte: Yes, whatever would make them happy

SOGIE Equality Bill, isesertipika bilang urgent ni Pangulong Duterte: Yes, whatever would make them happy

Handa umano si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.

Sa kanyang talumpati sa Malakanyang, nangako ang Pangulo na gagawin niya ang anumang paraan na maaaring magpabilis sa naturang panukala na layong protektahan ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community.

Sa ilalim ng panukalang batas, ipinagbabawal ang diskriminasyon ng mga tomboy, bakla, bisexual at transgender sa trabaho at sektor ng edukasyon.

Pabiro pang ginamit ng Pangulo ang tagline ni dating Senador Juan Ponce Enrile bilang patunay na gagawin niya ang magpapasaya sa LGBTQ+ community.

“Yes whatever would make the mechanisms, what would make them happy. Gusto ko, kagaya kay Senator Enrile, gusto ko happy siya,” pahayag ng Pangulo.

Ito ay matapos ang nangyaring diskriminasyon sa transgender na si Gretchen Diez matapos siyang harangin na gumamit sa pambabaeng CR sa isang mall sa Quezon City.

Hindi pa man matunog ang salitang LGBTQ+ ay mayroon ng inihaing panukala si Pangulong Duterte na anti-discrimination bill noong alkalde pa ito.

Sinabi ng Pangulo na siya ang naunang nagsulong ng panukala laban sa diskriminasyon na may katumbas na kulong.

“Ito ngayon yung mga LGBT. Let me just use a generic –– I do not mean to offend you. Itong mga bakla pati tomboy. Nauna na ako. Meron akong anti-discrimination bill during my time whan I was a mayor. Hindi ka puwede magsabi, “Wala yan kasi Moro ka. Madumi ka”. No, you can go to jail for that,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagang mayroong pang-aapi dahil gusto niyang pantay ang pagtrato sa lahat ng Pilipino sa bansa.

“I will not allow oppression. Hindi talaga ako papayag. You will be treated equally as just like any other Filipino in this country. There will be no discrimination,” dagdag pa ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na kalimitang pinagsisimulan ng away ang diskriminasyon kaya hindi niya papayagan ang ano mang uri ng diskriminasyon sa bansa.