fbpx
≡ Menu

Basurang plastic, maaring ipagpalit sa bigas at school supplies sa isang paaralan sa Ilocos Norte

Basurang plastic, maaring ipagpalit sa bigas at school supplies sa isang paaralan sa Ilocos Norte

Habang tumatagal ay lalong palaki nang palaki ang problema ng ating bansa sa mga basura.

Ito ay pasakit at matinding pagsubok sa ating mga Pilipino dahil isa ito sa mga pinagmumulan ng mga sakit.

Ilang mga programa at proyekto na ang nailatag ng ating gobyerno subalit pagtagal ay nawawala rin o hindi naman napaninindigan at napamamahalaang mabuti.

Huwag mag-alala dahil mayroon pa rin namang mga epektibong paraan upang mapangalagaan ang kalikasan at mahikayat ang karamihan lalo na ang mga kabataan.

Maparaan ang naging solusyon ng isang paaralan na matatagpuan sa Burgos, Ilocos Norte sa mga basurang plastic.

Sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang mga estudyante na gawing pamalit sa school supplies at grocery items ang makokolekta nilang basurang plastic.

Ito ang naging inisyatibo ng Burgos Central Elementary School sa Barangay Poblacion sa kanilang Basura Exchange School Tiangge.

“Gusto namin na iaral sa kanila kung [gaano] kaimportante ng kalinisan,” sabi ni Jogie Jimenez, Brgy. Captain ng Poblacion, Burgos, Ilocos Norte.

Ang bawat basurang plastic na maiipon ng mga estudyante ay titimbangin at bibigyan ng katumbas na puntos.

Mas mabigat na basura, mas malaking puntos ang makakuha nila.

Matapos makakuha ng puntos ang mga estudyante, puwede na nila itong ipampalit ng school items tulad ng lapis, crayons at papel.

Hindi lang ito, dahil nag-aalok din ang paaralan ng grocery items gaya ng bigas.

Ang mga basurang plastic naman ay gagawaing “Ecobricks” na alternatibo sa hollow blocks.

Ito ay malaking tulong ito hindi lang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga magulang.

Dahil sa naturang programa, mababawasan ang iintindihin ng bawat magulang sa mga gastos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.