in

Paglilinis ni Mayor Isko Moreno, tiyak na magpapalakas ng turismo sa lungsod ng Maynila

Napansin na rin maging ng Department of Tourism (DOT) ang ginagawang paglilinis ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga pangunahing lugar sa lungsod ng Maynila.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Tourism Assistant Secretary Roberto Alabado na natutuwa sila sa ginagawa ngayon ni Mayor Isko dahil madaragdagan na ang mga papasyalan ng mga turista sa Maynila.

Ang Maynila aniya ang pangunahing destinasyon ng mga turistang bumibisita sa Pilipinas at pinapasyalan ang mga lugar gaya ng Luneta, Binondo at Divisoria.

Ang Divisoria ang maituturing na shopping paradise ng ilang mga turista sa Southeast Asia at malaking bagay ang ginagawang paglilinis ngayon ni Mayor Isko sa nabanggit na mga lugar.

Sinabi ni Alabado na mas lalakas ang turismo sa sandaling mapapasyalan na ng mga turista ang mga dati ay iniiwasang lugar at madaragdag na sa atraksiyon ng mga turista ang mga pagkain sa Binondo area.

Ayon kay Alabado, ngayong malinis na ang Divisoria at Quaipo ay tiyak na mas mapapabibilis ang mobility ng mga turista.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang DOT sa tanggapan ni Mayor Isko maging sa Intramuros Administration Office para matulungan ang mga vendor na naapektuhan ng clearing operations ng lokal na pamahalaan.

Samantala, hindi na umano kailangang baguhin pa ang Saligang Batas para maisaayos ang mga problemang kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pinatunayan na aniya ito ni Mayor Isko sa pamamagitan ng seryosong pagpapatupad ng batas tulad na lamang ng ginawa niyang kampanya laban sa mga illegal vendor sa Maynila.

“Wala sa pagbabago ng Saligang Batas ang solusyon sa baha, traffic, krimen at basura. Hindi rin ito ang pangunahing sangkap upang dumami ang trabaho, lumago ang industriya at umusbong ang pabahay,” sabi ni Recto.

Sabi ni Recto, kailangan lang nga pagbabago sa mga plano, pananaw at istilo ng pamumuno para maresolba ang pangunahing problema ng bansa sa halip na hintayin ang benepisyo ng Charter Change.

“It seems that more progress can be wrought by seriously implementing whatever existing laws there are than rewriting the basic law of the land later,” ani Recto.

At dahil sa programa ni Mayor Isko, ikinagalak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Guillermo Eleazar na tumugon sa kanyang kampanyang “exaggerated cleanliness program” ang mga Police Community Precinct (PCP) commander sa Maynila.

Ayon kay Eleazar, 100 porsiyento ng 187 PCPs sa Metro Manila ang malinis na ang paligid base sa kanyang isinagawang araw-araw na inspeksyon bilang parte ng “internal cleansing program” ng PNP.

“100 percent malinis ‘yang 187 PCPs and during inspection it should be clean ‘yung nagsimula ako mag-ikot last month. Maagap tayo sa pagkilos kahit sa maliit na bagay ‘yang exaggerated cleanliness. Maliit pa lang ang pagkakamali, dapat itama na. Hindi natin hahayaan na lumaki pa o kumalat at pamarisan ng iba,” pahayag ni Eleazar.

“In general, I am satisfied but we can do more improvement. The people’s trust will be restored if they see clean surroundings of police stations,” dagdag pa ng opisyal.

Inihalimbawa kasi ni Eleazar ang ginagawa ni Mayor Isko na paglilinis sa mga kalsada sa lungsod partikular na ang Divisoria, Quiapo at Carriedo sa mga illegal vendor.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0