in

VIRAL: Transgender woman na pinagbawalang gumamit ng CR ng babae, kinaladkad sa presinto ng janitress at pinosasan

Inaresto ang isang transgender woman na pinagbawalang gumamit ng pambabaeng palikuran sa isang mall sa Cubao, Quezon City.

Nag-ugat ito nang pigilan ng isang janitress si Gretchen Diez, 28-anyos, na pumasok sa female CR sa Farmers Plaza.

Nang komprontahin ni Diez ang janitress na si Chayra Ganal, nag-live video siya sa Facebook para ibahagi ang insidente.

Maririnig ang paggigiit ng janitress na hindi dapat gumamit si Diez ng naturang CR dahil taglay pa rin nito ang ari ng lalaki.

Sa video, sinabi ni Diez na kinaladkad siya ng janitress patungong administration office ng mall.

“Nag-start na akong mag-live dun sa security office nila kasi po parang pinagtutulungan na po nila ako,” sabi ni Diez.

“Wala po akong kasama, feeling ko walang maniniwala sakin lalo na po sa mga discrimination. Kaya po nag-live ako para sana may makatulong,” dagdag oa niya.

“May utin ka pa rin. Tandaan mo ‘yan,” maririnig na sinabi ng janitress habang hawak-hawak ang kamay ni Diez.

Tatlong beses ding sinubukang agawin ng janitress ang cellphone ni Diez, habang tuloy ang pamimilit ng mga staff na itigil nito ang live video.

“Hay, sisikat siya. Ang ganda niya! I-like niyo, i-share niyo para sumikat ang baklang ‘to!” patuloy na patutsada ng janitress.

Matapos ang higit tatlong oras, dinala ng pulisya si Diaz sa Quezon City Police District (QCPD) Station 7 sa Cubao, at saka inilipat sa QCPD’s Anti-Cybercrime Division.

Aminado naman ang mga pulis na bahagyang lito kung anong gagawin sa reklamo dahil “first time” umano itong nangyari.

Sinabi rin ng mga pulis na maghahain sana ng reklamong unjust vexation ang janitress laban kay Diez, ngunit hindi na ito tinuloy matapos magkapatawaran.

Gumawa ng ingay ang insidente na pumukaw sa atensyon ng ilang mambabatas at maging mga artista.

Sa press briefing ni Diez, sinabi nitong humingi na ng paumanhin ang janitress na nanakit sa kanya.

Gayunman, kakasuhan pa rin ni Diez ang management ng mall dahil sa paglabag sa ordinansa ng Quezon City na nagbabawal sa diskriminasyon sa tao batay sa sexual orientation, gender identity at expression.

“I will still fight for what is right ‘yung violation against sa city ordinance sa Quezon City. Papatunayan natin sa lahat na may pangil ang batas na may karapatan po tayo na gamitin at magkaroon ng access sa pampublikong lugar,” ani Diez.

Nauna na si Bataan Congresswoman Geraldine Roman, na isa ring transgender woman, na agad napasugod sa police station para kundenahin ang nangyari.

“Babagsak ba ang langit kung pinayagan natin ang isang transwoman umihi sa CR ng babae? The LGBT community might be a minority but they are still Filipinos whose rights have to be protected,” sabi ni Roman.