Grace Poe, atat na talakayin sa Senado ang ABS-CBN franchise renewal: Kailangan ng pagdinig para sabihin na patas tayo

Grace Poe, atat na talakayin sa Senado ang ABS-CBN franchise renewal: Kailangan ng pagdinig para sabihin na patas tayo

Magkakaroon ng pagdinig ang Senado sa Pebrero 27 para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, sabi ngayong Lunes (Pebrero 17) ni Senator Grace Poe. 

Bagaman ang franchise bill ay nagmumula sa Kamara, hindi naman mapipigil kung gusto itong dinggin sa Senado kahit hindi pa nakapapasa sa mababang kapulungan, ayon kay Poe, na chairperson ng Senate committee on public services, na dumidinig sa mga panukalang batas na may kinalaman sa mga prangkisa.

“Actually, alam mo, nagpalit na yung isip ko. Sa tingin ko, didinigin na natin mismo ang prangkisa,” pahayag ni Poe.

“Alam naman natin na pagdating sa mga ibang bagay, lalo na pag ito’y kailangan nang maipasa, katulad ng budget, ng buwis, simultaneous naman ang pagdinig, sa House at sa Senado kahit na wala pang nata-transmit na bill ang Kongreso, naghi-hearing na tayo dito,” dagdag pa nito.

Kung dati, ang pagdinig sana ay para malaman kung nasusunod ng Kapamilya Network ang prangkisa, ngayon ay nagdesisyon ang komite na mismong ang panukala para sa renewal ng prangkisa na ang dinggin.

“Kailangan ng pagdinig para sabihin patas tayo kasi kung walang pagdinig, papaano natin malalaman ang mga isyu ukol dito?” anang senadora.

Hindi bababa sa 11 panukalang layong ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN — na nakatakdang mapaso sa Marso — ang nakabinbin ngayon sa Kamara.

Hiningi naman ni Poe ang pang-unawa ng kanilang mga kasama sa Kamara pero kailangan aniyang isalang sa pagdinig ang panukala dahil marami ang gustong maliwanagan sa isyu.

Samantala, naghain naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon ng Senate Joint Resolution No. 11 para ma-extend ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang Disyembre 31, 2022.

Kailangan aniya ito para mabigyan ng mahabang pagkakataon ang Senado at Kamara para i-review, assess at tukuyin kung dapat bang i-renew o hindi ang prangkisa ng ABC-CBN.

“On March 30, 2020, more than 11,000 families will go home jobless and millions of viewers will be affected if we do not act on this resolution immediately, I therefore urge for the immediate passage of this resolution,” sabi ni Drilon.

Magugunitang hiniling kamakailan ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang nakikita niyang paglabag.

Sa Kamara, tinutulak din ng ilang mambabatas na magkaroon ng resolusyon ang Kongreso para igiit sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority o pansamantalang lisensiya ang ABS-CBN.

Dati nang nakagawian na kapag nakasalang ang application for renewal, puwedeng magpatuloy ang operasyon ng kompanya kahit expired ang prangkisa, tulad ng nangyari sa Smart at GMA Network na nabigyan ng palugit.

Una nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na palalamigin muna ang situwasyon bago talakayin ang ABS-CBN franchise dahil hindi naman agad magsasara ang kompanya.

Source: Abante News, ABS-CBN News