fbpx
≡ Menu

NPA, naghihingalo na at malapit ng maubos ang mga lider ayon kay Pangulong Duterte

Malapit na umanong matuldukan ang rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa bansa.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa oath-taking ng mga lokal na opisyal at mga bagong kongresista sa Malacañang, na naghihingalo na ang rebeldeng komunista dahil isa-isa nang bumagsak ang kanilang mga lider.

Ayon sa Pangulo, dalawa na lang ang natitirang lider ng NPA sa Mindanao mula sa dating bilang na 16.

“‘Yung NPA naman patapos na talaga. It is in the throes of death. Wala na silang mga fronts. Nagbagsakan na. In Mindanao… in Eastern Mindanao used to have about 16. Dalawa na lang,” saad ng Pangulo.

Hindi aniya maintindihan ni Pangulong Duterte kung bakit naniniwala pa rin ang mga NPA na kaya nilang pabagsakin ang gobyerno gayong malabo namang mangyari ito.

Masyado na aniyang huli para mangarap ang mga komunista na kaya nilang pabagsakin ang gobyerno.

“Ang hindi ko talaga maintindihan… Pareho man tayo lahat dumaan pagka-aktibista na you cannot hope really to bring down this government. It’s about too late in the day to be talking about toppling,” ani Duterte.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na malakas ang mga sundalo ng gobyerno dahil binilhan ang mga ito ng makabagong kagamitan at armas na magagamit para mapanatili ang kaayusan ng bansa.

“I have a strong army. Binili ko na lahat at bumibili pa ako nang marami because I would like to leave the office with a strong Armed Forces not to fight with anybody else outside. But even to
just maintain order,” ani Pangulo.