≡ Menu

Taal Volcano, maihahalintulad sa atomic bomb ang itsura ng pagsabog at posibleng magbunga ng volcanic tsunami

Taal Volcano, maihahalintulad sa atomic bomb ang itsura ng pagsabog at posibleng magbunga ng volcanic tsunami

Sakaling tuluyang pumutok ang Taal Volcano, magmumukha itong pagsabog ng atomic bomb at posibleng magbunga ng volcanic tsunami, sabi ng isang opisyal ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Gayunman, hindi nito dadalhin ang kaparehong energy ng sa atomic bomb, ayon kay PHIVOLCS volcano monitoring division chief Ma. Antonia Bornas.

“Siguro ang closest na puwede nating ihambing sa malakas na pagputok ng Taal ay isang atomic bomb explosion ‘yung hitsura niya, hindi ‘yung energy,” sabi ni Bornas sa isang press conference.

Kabilang sa mga panganib sa naturang  pagsabog ang base surges o expanding rings of turbulent mixture of fragments and gas at the base of explosion columns.

“Meron kang matayog na eruption column tapos meron po na ring na kumakalat mula doon sa base ng eruption column. Ito pong ring na ito, ito po ‘yung base surge, tumatawid siya ng lawa at tinatamaan niya yung mga pamayanan sa paligid ng lawa. ‘Yung base surge po talaga yung primary hazard,” paliwanag pa niya.

Samantala, hindi pa alam ng mga eks­perto ng PHIVOLCS kung hanggang kailan matatapos ang pag-aalburoto ng Taal Volcano sa lalawigan ng Batangas.

Sinabi ni Bornas na hindi pa niya matiyak kung may tatlong araw, buwan o taon ang itatagal ng pag-aalburoto ng bulkan dahil hirap sila ngayon na makita ang tunay na kaganapan sa loob ng bulkan dahil sa nasira ang kanilang mga instrumento dahil sa makakapal na putik na tumabon sa kanilang mga gamit.

Sinabi ni Bornas na sa gilid ng bulkan naganap ang pagsabog. Aniya, preatum magmatic eruption ang nangyari sa bulkan o pagsabog na magkasama ang tubig at magma.

Sa ngayon, nananatiling nakataas sa Alert Level 4 ang Taal Volcano at inaasahan ang mapaminsalang pagsabog ng bulkan sa loob ng ilang oras o araw.

Sakaling umakyat ito sa Alert Level 5, ang pinakamataas na alert level, nangangahulugan na ito ng aktwal na pagsabog ng bulkan at pagiging lava ng magma.

Ilan pa sa mga ibubunga ng tuluyang pagsabog ng bulkan ang malawakang ashfall, landslide, volcanic gas, liquefaction, at fissuring.