fbpx
≡ Menu

Pangulong Duterte, muling pinaaaresto ang suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Silawan

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pag-aresto sa suspek sa brutal na pagpatay sa 16-anyos na si Christine Silawan sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Itinuturong suspek sa kaso ang 17-anyos na dating kasintahan ni dalagita na naaresto noong March 16.

Bago ito, ipinag-utos ng prosecutor ang pansamantalang kalayaan ng suspek matapos mabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) na i-justify ang warrantless arrest.

Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Koronadal City, South Cotabato, inatasan ng Pangulo ang prosecutor na baliktarin o bawiin ang desisyon at nais nitong muling arestuhin ang pinalayang suspek.

“‘Yung nakapatay sa bata ni-release upon orders of the prosecutor. Tinawagan ko siya pagka-umaga…sabi ko i-recall mo ‘yang order ninyo of dismissal and have the guy re-arrested kasi piskal ako, piskal ka,” pahayag ng Pangulo.

‘“Yang habulan na ‘yan continuous ‘yan hanggang mahuli mo then you file a case. Kayong mga abogado, pañero, how do you apply that stupid principle? Sige daw. Pagka-ganun wala nang maaresto. Alam ninyo ‘yan. Paano mo aarestuhin ‘yan?” dagdag ng Pangulo.

Paliwanag ng Pangulo, hindi nangyayari ang hot pursuit sa loob ng 24 oras lamang.

“Di ako papayag na ganunin mo lang ang tao. Patayin mo ang bata, balatan mo tapos magsibat ka lang, mahuli ka after six days tapos ma-release ka kasi hindi hot pursuit,” ani Pangulo.

Iginiit ng Pangulo na habang iniimbestigahan ang isang kaso at nagsasagawa ng mga follow-up operation ang mga otoridad, matatawag pa rin itong hot pursuit.

“For as long as there is somebody who conducted the investigation and made a follow up everyday that is still hot pursuit to me. Imposible mo ‘yang sabihin mo na hot pursuit 24 hours lang ngayon.” ani Pangulo.

Naniniwala ang Pangulo na ang pagpatay sa dalagita ay resulta ng pagkalulong sa iligal na droga ng suspek at iba pa nitong mga kasabwat.

Ayon pa sa Pangulo, sa klase ng krimen na nangyayari ngayon ay masasabing lumala pa ang problema ng bansa sa iligal na droga.

Matatandaang pinatay ang dalagita, binalatan ang mukha at tinanggal ang dila at iba pang parte ng katawan.