≡ Menu

Estudyante ng PUP na narecruit ng NPA, humarap sa Senado: Pinayagan kami ng PUP teachers na sumali sa mga rally

Estudyante ng PUP na narecruit ng NPA, humarap sa Senado: Pinayagan kami ng PUP teachers na sumali sa mga rally

Naging emosyonal ang isang 21-anyos na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pagharap nito sa imbestigasyon ng Senado.

Sa harap ito ng ginagawang pagbusisi sa isyu ng pagkawala ng ilang estudyante na umano’y ni-recruit ng makakaliwang grupo.

Ayon sa nagpakilalang si Allen, menor de edad pa siya nang marecruit sa loob ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa campus para lumahok sa umano’y demokratikong pakikibaka laban sa gobyerno.

“Nagdesisyon akong magsalita para makarating sa mga dati kong kasamahan na maawa kayo sa mga magulang na gusto lang kasama ‘yung anak nila,” saad ni Allen.

Sa loob pa umano sila ng eskwelahan nagsasagawa ng mga pagkilos at may approval ng ilan nilang mga professor.

Dalawang taon lang aniya siya sa kolehiyo pero napabayaan niya ang pag-aaral dahil pinaigting ng League of Filipino Students ang kanilang mga pagkilos laban sa gobyerno at doon na siya nagsimulang mamuhay sa bundok.

Pero ayon kay Allen, sumuko siya sa militar dahil mula ng nabuntis siya at nanganak wala siyang nakuhang tulong mula sa mga miyembro ng NPA.

“Kahit piso wala silang ibinigay, dahil wala na silang pakinabang sa amin. Pakiramdam ko ako yung isa sa mga responsable kung bakit hanggang ngayon hindi parin sila nakakauwi sa mga pamilya nila, ako po kasi maswerte ako kasi nakita po nila ako ng buhay,” ani Allen.

“Para sa mga kasamahan ko, maawa kayo sa mga magulang ninyo ang gusto nila ay makasama nila ang mga anak nila at makitang buhay, naiintindihan ko po kasi ito kasi nanay na ako ngayon,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Nancy Dologuin na dating rebelde, na-recruit umano siya ng mga militanteng grupo nung kanilang kabataan hanggang naging kasapi ng NPA at nag-armas laban sa gobyerno.

Sinabi naman ni Alvin Turero na dating rebelde at recruiter na ginagamit niyang pang-enganyo ang scholarship para sa kanyang mga nare-recruit.

Madali rin aniyang ma-recruit ang mga kabataang may galit sa magulang at nais makapag-aral sa PUP at UP.

Nagpakilala bilang Agnes Reano ang isang pang dating rebelde na umano’y ni-recruit ng grupong Alliance of Students Against Tuition Fee Increase.

Aniya, noong ma-recruit siya sa militanteng grupo, estudyante siya sa umaga at isa siyang miyembro ng NPA kapag gabi.

“Kung tatanungin nyo po ako kung may recruitment sa school, definitely meron. Kami po ang kongkretong batayan. Buhay na ebidensya na narecruit, ako naging recruiter din. Noong ma-recruit po ako nung first year, estudyante po ako by day, NPA by night,” ani Reano.

Ayon kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ito ang dahilan kaya napilitan silang imbestigahan ang isyu.

Aniya, walang basehan ang mga alegasyon ng ibat-ibang grupo ng mga kabataan na ang ginagawa nilang imbestigasyon ay bahagi ng pangha- harass ng Senado at para mapigilan ang student activism o mga pag-aaklas laban sa gobyerno.

Ayon kay Dela Rosa sa kanilang impormasyon, 12 menor de edad pa ang panibagong na recruit at hanggang ngayon ay nawawala.

Nais lang aniya nilang protektahan ang mga kabataan na posible pang marecruit ng npa.

Ayon sa militar, nakatanggap sila ng impormasyon na mismong ang NPA ang pumapatay sa kanilang mga miyembro na nais nang kumalas sa grupo pagkatapos ay ibibintang sa militar.

LIVE: Ikalawang pagdinig ng Senado tungkol sa mga nawawalang estudyanteng na-recruit umano ng mga leftist group.