fbpx
≡ Menu

Higit 40 estudyante sa Cavite na sinugod sa ospital, nalason umano ng milk tea

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang diumano’y pagkalason ng higit 40 estudyante ng isang pamantasan sa Imus City, Cavite, dahil umano sa ininom na milk tea.

Napag-alaman na lang sa Imus Institute of Science and Technology na karamihan sa mga naturang estudyante ay dinala sa Our Lady of the Pillar Medical Center, habang ang iba’y dinala sa Medical Center Imus, ayon kay Rieza Pagelion ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

“Hindi po ito ni-report sa amin, kaya di nirespondehan,” sabi ni Pagelio.

Nalaman na lang ng CDRRMO ang insidente sa pamamagitan ng media kaya nagtanong sa paaralan, pero ayaw nitong magbigay ng karagdagang detalye sa pamamagitan ng telepono.

Sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMC) naman aniya nalaman ng CDRRMO na milk tea ang pinaghihinalaang sanhi ng diumano’y pagkalason.

Sa ngayon, ilan sa mga naospital na mag-aaral na ang pinayagang makalabas habang ang iba naman ay naka-confine pa.