fbpx
≡ Menu

Leni Robredo, kinuwestiyon ang P4.5B pondo para sa confidential at intelligence funds ni Pangulong Duterte

Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang paglaki ng pondong hinihingi ng Office of the President (OP) para sa confidential and intelligence funds sa 2020.

Nabatid na mula sa P8.28 billion na surveillance fund na nakapaloob sa proposed 2020 national budget, P4.5 billion ang direktang mapupunta sa OP.

“Noong nabasa ko iyon (president’s request), tiningnan ko iyong progression. Tiningnan ko iyong progression, parang mula 2012 yata, 2012 hanggang 2016, P500 million iyong intelligence fund — intelligence and confidential fund. Eh ngayon, P2.5 billion?” ani Robredo.

Ayon kay Robredo bagama’t inaasahan ang paglaki ng pondo dahil na rin sa pagdami ng mga empleyado mahalaga pa ring malaman kung saan ito napupunta.

“Tatlong taon pa lang iyong lumilipas, grabe iyong pag-increase. So siguro, para walang… walang, ano ito, walang pagdududa, baka mas mabuting naiintindihan natin,” dagdag pa niya.

Ilang mambabatas na ang nanawagang silipin ang paglaki ng intel fund ng OP.

Nanindigan naman ang Malacañang na walang mali kung kalahati sa P8.28 billion na surveillance fund ay mapupunta sa tanggapan ng Pangulo.

Paliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kailangan ng Pangulong Duterte ang malaking pondo para mapangalagaan ang seguridad ng bansa.

Sinabi pa ni Panelo na masyadong mahirap bantayan ang Pilipinas kung kaya kailangan ng dagdag na pondo, tao, makinarya at teknolohiya.

“Kailangan iyon, and you need money for that. Mahirap mag-secure sa isang bansa, kailangan mo talaga ng pera. You need people, you machines, technology. Maraming paggagastusan,” sabi ni Panelo.

“I’ll be using my common sense by saying that you really need money if you want to secure your country. And the Office of the President is one of the better offices that can secure the security of the land,” dagdag pa niya.

Tiniyak ni Panelo na hindi makukurakot ang pera dahil masyadong isrtikto si Pangulong Duterte sa paggamit ng pondo ng gobyerno.

Kung mayroon man aniyang mawawalang pondo, hindi naman makaliligtas ang Pangulo sa accountability.

“Malabo iyon ‘pag Office of the President because number one si Presidente nga na ayaw ng corruption. Napaka-istrikto ni Presidente,” ani Panelo.

“The President is not exempted from accountability, kung if you’re talking about accountabilities. Lahat na mayroong hawak ng pera are required by law to account, so I don’t think there is a problem with that,” aniya pa.

Katwiran pa ni Panelo maari rin namang humingi ng dagdag pondo ang ibang mga departamento sa OP kung kakapusin man ito sa budget.