in

Bagitong partylist congressman na nanapak ng pobreng waiter, posibleng masibak; hinamon pa ni Erwin Tulfo

Inaamin ng Ang Probinsyano Partylist na dismayado sila sa inasal ng kanilang kongresista na si Rep. Alfred delos Santos matapos makunan sa CCTV na nanapak ng isang service crew sa loob ng kainan sa Legaspi City, Albay.

Ayon kay Ang Probinsyano Partylist Spokesman Atty. Joco Sabio hindi nila kukunsintihin ang naging aksyon ni Delos Santos.

Ang nasabing insidente ay kanila na umanong iniimbestigahan at kung mapatunayan ang hindi magandang inasal at pananakit ng mambabatas ay hindi mangingimi ang partido na suspendihin o tuluyang tanggalin si Delos Santos bilang kanilang kinatawan sa Kamara.

Sinabi ni Sabio na bibigyan nila ng pagkakataon si Delos Santos na makapagpaliwanag sa nangyaring insidente upang maging patas ang anumang hakbang na gagawin ng Ang Probinsyano Partylist.

Giit ng Ang Probinsyano Partylist na ang naging aksyon ni Delos Santos ay kanyang sariling kagagawan at hindi sumasalamin sa buong partido kahit pa nominee nila ito.

Dahil sa insidente, nakarating na sa kaalaman ng beteranong mamamahayag na si Erwin Tulfo ang ginawang pananapak ni Delos Santos sa pobreng waiter ng Biggs Diner sa nasabing lungsod.

Hinamon ni Tulfo ang kongresista na sila ang magtuos, “Wala ka pang nagagawang batas, punyemas ka. Abusado ka ng hinayupak ka. Mamaya ka sa akin.”

“Congressman, kung nangangati pa ang kamay mo hanggang ngayon, pumunta ka dito. Ano? Ako ang sampolan mo ng sinasabi mong sapok na iyan… pumunta ka dito at tignan natin… susmaryosep,” buwelta ni Tulfo.

Inalok din ni Tulfo ang biktima ng tulong at abogado para maging pantay ang laban nito laban sa kongresista.

“Christian, ituloy mo iyan, nasa likod mo ako. Kung kailangan mo ng abogado, tutulungan kita. Bibigyan kita ng abogado. Putragis.. para tabla-tabla ang laban. Hindi pupuwede… at kung tinanong ni congressman, ‘Sino bang nasa likod niyan?’ sabihin mo, ‘Si Erwin Tulfo po at saka ACT-CIS Partylist.’ Dito ho paninindigan namin, yung mga inaapi ho diyan ay kakampihan namin para level ang playing field. Eh, congressman ka di ba? Ngayon, tutulungan namin ang kawawang biktima,” sabi ni Tulfo sa biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0