Mag-iina sa Bulacan, nakatira ngayon sa bangketa matapos palayasin sa inuupahang bahay sa kabila ng quarantine

Mag-iina sa Bulacan, nakatira ngayon sa bangketa matapos palayasin sa inuupahang bahay sa kabila ng quarantine

Naging agaw-eksena sa social media ang mga larawan ng nakakadurog ng pusong kalagayan ng mag-iinang nananatili lamang sa bangketa.

Nalaman na pinalayas ang mga ito dahil hindi na umano makabayad ng renta sa tinitirhang bahay.

Ang masaklap dito ay kahit panahon ng krisis at pandemya ng COVID-19, nagawa di umano ng may-ari ng bahay na palayasin ang kaawa-awang mag-iina.

Base sa binahaging post ng Balitang SJDM sa Facebook, wala nang ibang mapuntahan ang mag-iina kaya naman sa bangketa na lamang sila namamalagi.

“Isang mag-iina na pinalayas diumano sa tinitirhan, sa kalsada ng Igay Road Barangay Sto Cristo na lamang namamalagi. Pahayag ng netizen na nagbahagi ng kuwento ng mag-iina ay ilang linggo na raw sa kalsada namamalagi ang mag-iina upang manghingi ng pagkain sa mga dumaraan,” post ng Balitang SJDM.

Nabatid na wala na ring makain ang mga ito kaya naman umaasa na lamang sila sa tulong na iniaabot ng mga taong dumaraan at nakakakita sa kanilang kalagayan.

Iniwan pa umano sila ng padre-de-pamilya kaya naman dagdag pa ito sa pasakit sa kanilang sitwasyon.

Mahirap ang lagay nila lalo na at nagsisimula na ang panahon ng tag-ulan na labis na delikado para sa kanilang kalusugan kung wala silang masisilungan.

Kaya walang ibang hangad ang mga netizens kundi makarating sa lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte ang kahabag-habag na kalagayan ng mag-iina upang sila ay matulungan.

Maaalala na makailang beses na pinaaalala ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat pilitin ng mga may-ari ng paupahan na magbayad ang mga nagrerenta sa panahong nakataas pa ang community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay sa kadahilanang marami ang natigil sa kani-kanilang trabaho at wala silang mapapagkunan ng gastusin sa araw-araw.

Mayroon namang pinansyal na ayuda mula sa gobyerno ngunit hindi naman lahat ay nabigyan at hindi sumapat sa gastusin ng ilan.