2 pulis na nag-donate ng dugo para isalba ang babaeng naaksidente sa sasakyan, pinuri ng netizens

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, ang kahanga-hangang aksyon ng dalawang pulis sa Negros Oriental na nag-donate ng dugo, para isalba ang buhay ng isang babaeng malubhang nasugatan sa isang aksidente sa Munisipalidad ng Dauin.

Kinilala ni Eleazar ang natatatanging mga pulis na sina: Patrolman Reynald Tayko at Patrolman Jessie Ray Bulfa ng 705th Maneuver Company.

“Nakakataba ng puso ang ganitong mga pulis na hindi nagdadalawang-isip tumulong para maisalba ang buhay ng kanilang kapwa. Bilang ama ng PNP, saludo ako sa ipinakita ninyong serbisyo para sa kababayan nating nangangailangan ng agarang tulong,” pahayag ni Eleazar.

Ayon kay Eleazar, humingi ng tulong ang pamilya ng isang Lilibeth Salipod Sobreviga sa mga tauhan ng 705th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 7, dahil kailangan ng blood transfusion ni Sobreviga matapos maaksidente noong June, 9 sa Barangay Bulak.

Tumugon naman sa tawag ang RMFB 7 sa pamumuno ni Police Colonel Robert Dangli Lingbawan, at ang 705th Maneuver Company sa ilalim naman ni Police Lieutenant Jade Asiong Basingao, at agad nakipag-ugnayan sa Philippine Red Cross.

Nagboluntaryo naman na mag-donate ng dugo si Patrolman Tayko at Patrolman Bulfa, at agad nagtungo sa Siliman University Medical Center kung saan naka confine ang pasyente.

Umaasa naman si Police Gen. Eleazar, na ang ginawa nila Tayko at Bulfa ay magsilbing inspirasyon at huwaran sa iba pang mga pulis, na gumawa ng mabuti para sa kapwa, kailanman at saanman.