fbpx
≡ Menu

Kapitan ng umano’y binanggang barko sa Recto Bank, umayaw sa pulong kay Pangulong Duterte

Kapitan ng umano’y binanggang barko sa Recto Bank, umayaw sa pulong kay Pangulong Duterte

Hindi matutuloy ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at kapitan ng F/B Gem-Ver 1 na umano’y sinalpok ng mga Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Director Elizer Salilig, tumanggi si Junel Insigne na makipagkita sa Pangulo dahil umano sa traumatized pa rin ito sa insidente.

Imbes na pumunta sa Malacañang, nagdesisyon ito na umuwi sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro.

Mababatid na gustong hilingin ni Insigne sa Pangulo na panagutin ang mga Chinese na nang-abandona sa kanila matapos mabunggo, at nais din humingi ng pampagawa ng kanilang bangka.

Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng reaksyon ang Pangulo ukol sa pangyayari.

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi pinapayagan ng gobyerno ang mga Chinese na mangisda sa Recto Bank.

“Sagot diyan, siyempre hindi. Pero hindi natin alam kung nagfi-fish nga ba sila doon. Basta teritoryo natin at nandoon sila, mali ‘yun siyempre,” ayon kay Panelo.

Plano ngayon ng gobyerno na dagdagan ang presensya ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea kasunod ng insidente ng mga pilipinong mangingisda sa Recto Bank.