in

Bong Revilla, aminadong nakapasok sa “Magic 12” dahil sa kanyang plunder acquittal at budots campaign ad

Binigyan ng kredito ni dating Senador Bong Revilla ang kanyang plunder acquittal at budots television campaign ad kaya siya nakapasok sa “Magic 12” ng 2019 senatorial race.

As of 7:20PM, Mayo 17 sa partial at official results ng Comelec, nasa 12th spot si Revilla na may 13,442,578 votes.

Ayon kay Revilla, sa palagay niya ay malaking bagay ang paglabas ng katotohanan na wala siyang kasalanan kaya nagtiwala sa kanya ang mayorya ng botante.

Maaari rin aniyang nakatawag ng boto ang kanyang pagsayaw ng budots kung nag-viral sa social media at ginawan pa ito ng samu’t saring memes.

“Siguro malaking bagay dito ‘yung paglabas ng katotohanan na si Bong Revilla ay walang kasalanan. Siyempre malaking bagay din ‘yung mga ad, ‘yung budots malaking bagay din. Hindi ko malaman kung ‘yun ba ay positive or negative. Hindi ko alam kung nakadagdag ba ‘yun o nakatawag ng boto,” ani Revilla.

Kwento ni Revilla, ang kanyang anak na si Jolo ang naghimok sa kanyang sumayaw sa television campaign ad.

“Actually wala naman talaga akong balak sumayaw, talagang pinush lang ako nila Jolo, ‘Papa tutal andiyan ka na, sumayaw ka na.’ Tapos nu’ng nandu’n na, sumayaw tapos pinatayo ‘yung mga apo ko, nagsayawan sila,” paliwanag pa ni Revilla.

Para kay Revilla, ang masakit sa social media ay ang pambabato ng fake news at masasakit na salita na sana aniya ay matigil na.

Hiling rin ni Revilla sa netizens ay matapos na ang lahat at magtulong tulong na lamang para sa bayan, na walang kinikilalang kulay sa pulitika.