in

Mayor Isko Moreno, nagsagawa ng surprise inspection sa Quiapo at Ospital ng Maynila

Dismayado si Mayor Isko Moreno sa nakita nitong nakakalat na mga basura sa kalsada at pagbabalik ng ilang stalls ng tindahan sa ilang lugar sa Maynila.

Sa kanyang sorpresang inspeksyon ng madaling araw na mapapanood sa kanyang Facebook live, nadiskubre ni Mayor Isko ang mga basura sa Carriedo at ang mga stalls na bumaba sa bangketa na lampas na itinakdang lugar ng pagtitinda.

Dahil dito ay ipapatawag ni Mayor Isko police commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct para malaman kung bakit madumi na naman sa kanyang nasasakupan.

Matatandaan na ang Carriedo ang isa sa mga unang nilinis ni Moreno nang umupo siya bilang alkalde.

WATCH: Isa man ang Carriedo St. sa Quiapo sa mga kalsadang unang nilinis ni Mayor Isko Moreno pagkaupo sa puwesto, ito naman ang dinatnan ng alkalde sa surprise inspection niya.

Sunod na nilibot ni Moreno ang ilang kalye sa Divisoria area at natuwa naman ito bagamat may mga nagtitinda ay nakakadaan naman ang mga sasakyan sa isang lane.

Nais lamang matiyak Mayor Isko na pagdating ng alas 5:30 ng umaga ay wala ng nagtitinda sa lugar.

Sa inspeksyon sa Tondo ay pinagsabihan ni Mayor Isko ang ilang driver ng mga trak na nakaparada sa lugar dahil delikado ang mga ito sa mga motorista at dahilan kaya masikip ang kalsada.

Pumunta rin si Mayor Isko sa Ospital ng Maynila kung saan sinabi niyang magpapatayo siya ng bagong ospital sa parehong compound.

Mayroon din umanong sumbong mula sa ilang netizen ukol sa serbisyo sa pagamutan.

Ayon kay Moreno, magpapatuloy ang kanyang pag-iikot sa lungsod kahit dis-oras ng gabi pero umapela rin ito ng tulong ng mga mamamayan.

Samantala, isang ehemplo para sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang pamamahala ni Mayor Isko lalo na sa paglilinis at pagsasaayos ng mga importanteng daanan ng Maynila na ginamit ng mga illegal vendors.

Matatandaang binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ang pagsasa-ayos ng mga importanteng kalsada sa bansa.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, magsasagawa ng inventory ang kanilang ahensya sa mga daanan na ginawang tiange o di kaya ay paradahan ng mga sasakyan katulad ng nangyari sa Divisoria.

Dagdag pa ni Año, isa sa mga tinitingnan niya ay ang pagbubukas ng mga daan na nakalaan sa mga pampribadong subdivision tuwing rush hour para maibsan ang trapiko.