fbpx
≡ Menu

Manila Mayor Isko Moreno, bubuhayin ang Kadiwa rolling stores na alternatibong pamilihan sa mababang presyo

Manila Mayor Isko Moreno, bubuhayin ang Kadiwa rolling stores na alternatibong pamilihan sa mababang presyo

Ibabalik ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang “Kadiwa” rolling stores bilang tugon sa panawagan na magkaroon ng alternatibong pamilihan sa mababang presyo.

Ayon kay Moreno, plano niyang ibalik ang Kadiwa kung saan maaaring bumili ang mga Manilenyo ng murang bigas, gulay, karne, isda at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan nang hindi na kailangang mamasahe upang magtungo sa palengke.

Ang mga rolling stores ay mag-iikot sa buong siyudad upang maihatid sa mga residente ang mga pangunahing bilihin sa murang halaga.

“Malaking tulong sa pamilyang Manilenyo na magkaroon uli tayo ng rolling stores tulad ng Kadiwa, dahil mura na, sariwa pa at komportable silang makakabili ng pagsasaluhan nila sa mesa,” ani Mayor Isko.

Ang Kadiwa rolling stores ay unang ipinakilala sa masang Pilipino noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Nagkaroon ito ng 252 stores sa buong bansa, subalit isinara ang mga iyon noong mapatalsik sa puwesto si Marcos.

Nauna nang inanunsiyo ni Moreno ang plano niyang feeding program para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.

“Kapag busog at malusog ang mga bata, makapag-aaral nang maayos yan. Paano ka makakapag-isip at mag-aaral kung kumukulo ang sikmura mo. Kaya ibabalik natin ang pagrarasyon at pagpapakain ng nutribun at gatas para sa buong elementarya ng Maynila,” ani Moreno.

Bukod sa feeding program, may isa pang proyekto si Moreno para sa mga mag-aaral.

Nangako siya ng P1,000 monthly allowance para sa lahat ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila.

“Libre na lang ‘yung pag-aaralan, pero to sustain ‘yung daily needs. So gusto ko pa rin siya i-stimulate. Sabi ko, sige para wala ka nang dahilan para hindi mag-aral, bigyan kita ng P1000,” pangako ni Mayor Moreno.

Ang mga nabanggit niyang programa ay maaari na umanong maipatupad sa taong 2020 kapag nagkaroon na ng fresh budget ang siyudad.