in

Mag-iina, pinatay sa loob ng bahay sa Bulacan; 2 suspek na kamag-anak ng mga biktima, naaresto na

Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang tatlong miyembro ng pamilya sa Brgy. Kaypian, San Jose Del Monte Bulacan.

Nakilala ang mga biktima na sina Jaymee Casabuena, 28-anyos at dalawang anak nito na si Anton, 8-anyos at ang bunsong anak na si Joaquin, 4-anyos.

Ang batang biktima na si Joaquin ay natagpuang nakahandusay sa kusina habang si Anton naman ay duguan sa kama at ang inang si Jaymee ay nakabulagta naman sa sala.

Pati rin ang alagang tuta ng mag-iina ay pinatay rin ng mga suspek.

Ayon kay Police Lt. Col. Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose Del Monte PNP, walang nakitang bakas ng forced entry sa tahanan pero mukhang malaki ang galit ng salarin sa mga biktima dahil natuklasang kamag-anak ng mga biktima ang mga suspek.

Narekober sa crime scene ang kitchen knife na posibleng ginamit ng suspek sa pamamaslang.

Naaresto na rin ng mga pulis ang dalawang suspek na kinilalang sina Wilson Cortes na residente ng Brgy. 185, North Caloocan at Joselito Cortes na residente naman ng Brgy. San Manuel, San Jose Del Monte, Bulacan.

Si Wilson ay asawa ng pinsan ng biktimang si Jaymee Casabuena.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpatay matapos umamin si Wilson na nanakawin lang nila ang cellphone ng biktima pero nagpumiglas ito kaya nila sinaksak.

MAG-IINA PINATAY SA LOOB NG BAHAY SA BULACAN

2 SUSPEK SA PAGPATAY SA MAG-IINA SA BULACAN NASA KUSTODIYA NA NG PNP

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0