11-anyos na tattoo artist sa Butuan City, pinabilib ang netizens

11-anyos na tattoo artist sa Butuan City, pinabilib ang netizens

Kinamanghaan sa social media ang isang 11-anyos na batang babae dahil sa ipinakita nitong galing sa pagta-tattoo sa kabila ng murang edad.

Nag-viral ngayon sa social media ang batang si Aira Rave Nengasca, tubong Sumilihon, Butuan City matapos ibahagi ng isa ring tattoo artist ang katha nito sa kanyang braso – na isang bulaklak.

Ito ay matapos ibahagi sa Facebook ni Egdardo Lagrimas ang ilang larawan habang nagpapa-tattoo sa naturang bata at ang kinalabasan nito.

Aniya, “Sa mga kapwa ko mananato o sa mga pro mananato diyan. Sana mabigyan pansin ang batang ito. Alam ko malayo ang mararating nito.”

“#PLEASEHELPHER to improve her tattoo machine and to enhance her talent. Sama-sama tayong tulungan siya kahit sa maliit na bagay,” dagdag niya.

Napag-alaman na si Aira ay anak ng mag-asawang Cathy at Benjamin Nengasca na pareho umanong tattoo artist.

Kaya hindi nakakapagtakang may galing at talento ito pagdating sa pagsasagawa ng tattoo.

Ang post ay mabilis na nag-trending sa social media at umani ng libo-libong komento mula sa netizens.

Marami ang naghatid ng paghanga sa bata na sigurado raw ay namana niya mula sa mga magulang.

“Grabe nman talent ng bata nayan baka mananato dn ang tatay or nanay kya nman natoto sya,” sabi ng isang netizen.

Karamihan sa commenters ay napa-good job at napa-astig dahil sa angking galing ng bata.

Mayroon pang mga nagtanong kung saan ang lokasyon nito dahil gusto rin daw nilang magpa-tattoo.

Samantala, nakatulong naman ng malaki ang naturang post dahil marami sa mga artist ang nagpadala ng tulong sa bata gaya ng mga materyales na kanyang magagamit sa pagpapalawig ng kanyang talento.